STA. CRUZ, Laguna– Kinolekta nina Fil-Heritage Caleb Stuart at ‘Yolanda’ survivor Karen Janario ang kanilang ikatlong gintong medalya habang kinapos si Emerson John Obiena na maitala ang rekord sa men’s pole vault sa ginaganap na 2015 Philippine National Open-Invitational Athletics Championships sa Laguna Sports Complex.

Pinag-init ni Stuart ang maulan na umaga matapos ihagis ang metal plate sa layong 48.17 metro upang idagdag ang gintong medalya sa discus throw sa kanyang unang dalawang napanalunan sa shot put (16.52m) at paboritong event na hammer throw (64.81m).

“I am quite satisfied with my throw this time,” sabi ni Stuart na may personal best sa event na 49.90m.

“This is also my first time to try the discus event since June last year but I am pretty confident and is comfortable especially with the rain. I had to train more when I got back to US,” giit pa ni Stuart.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Isinama naman ni Janario ng Leyete Sports Academy sa kanyang gintong medalya ang girls 200m (25.21s) upang maging kandidato sa karangalan bilang most bemedalled athletes sa torneo. Una itong nagwagi sa girls 400m run (59.21s) at 100m hurdles (15.14s).

May pagkakataon pa itong masungkit ang kanyang ikaapat na ginto kung magwawagi ang LSA A sa girls 4x100m relay na nakatakdang isagawa habang sinusulat ang istoryang ito.

Pinilit naman ng 19-anyos na si Obiena na burahin ang hawak nitong Philippine pole vault record at malampasan ang SEA Games record subalit kinapos ito bunga sa sobrang lambot ng kanyang ginagamit na pole.

Nalampasan ng 2nd year Electronics and Communications Engineering student sa UST na si Obiena ang bar sa taas na 5.0 metro upang talunin si John Rey Mabuyao ng LSA na nagkasya sa 4.30 metro at ang ama nitong si Emerson Obiena na nakaabot sa taas na 4.20 metro.

“Kailangan ko po bumili ng tamang pole para po sa weight rating ko. Masyado na po kasi malambot iyong pole dahil hindi bagay sa weight ko po kaya hindi po ako maitulak kapag ere ko po,” pahayag ni Obiena, na itinala ang PH record na 5.21metro sa ginaganap na Weekly Relays ng PATAFA.

Ang rekord ni Obiena ay kapareho naman sa naiposte ni Kreeta Sintawacheewa ng Thailand na 5.21m na siyang SEA Games record sa event na ikinasa nito noong 2009 Viantiane, Laos SEA Games.

Nakapag-uwi naman ng dalawang ginto sina Eloiza Luzon sa girls 100m (12.46) at 4x100m relay (48.94), Joebert Delicano sa masters men’s 100m (11.74s) at long jump (6.84m), Francis Medina sa boys 110m hurdles (14.23s) at 400m hurdles (53.64), Jomar Udtohan sa boys 200m (21.86s) at 100m (10.93s) at si Archand Christian Bagsit sa men’s 400m (47.26s) at 200m (21.72s).

May ginto rin sa ikaapat na araw si Cristy Ann Subaste ng TMS sa women’s 20,000m walk (2:44:17.64), Albert Jay Callejo ng Arellano U sa boys triple jump (14.49), Jonalyn Ricafrente ng San Jose Del Monte sa girls 3,000m SC (13:24.49s), Melinda Delos Reyes sa women masters 5,000m (19:20.74s), Rodulfo Tacadino sa men’s masters 5,000m (25:13.09s) at Angel Carino ng TMS (11.39s).

Nagtagumpay naman sa 20,000m walk sa men’s si Edgar Bardel ng Team Titus (1:50:35.83s), Felyn Dolloso sa women’s triple jump (12.43m), Ellah Therese Sirilan ng UE Manila (1:04.75s), Junrey Bano ng UST sa men’s 400m hurdles (52.91s), Monica Louise Andaya ng Mandaluyong (34.28m) at Angel Carino ng TMS sa girls long jump (5.51m).

Namayani rin si Mat Crespo ng TMS sa boys hammer throw (45.97), Muhd Ashraf Saipu Rahman ng Malaysia sa men’s high jump (2.13m), Tamanna Akter ng Bangladesh sa women’s 200m (26.30s), Archand Christian Bagsit sa men’s 200m (21.72s), Jomar Udtohan ng San Sebastian College sa boys 200m (21.86s) at Marisa Smith ng Air Force sa women’s 1,500m (4:59.05s).

Nanalo sa girls 1,500m si Feiza Jane Lenton ng Leyte Sports Academy-A (4:52.25s), Mervin Guarte sa 1,500m (3:54.58s), Victoria Calma sa masters women’s 1,500m (5:49.56), Romeo Marquez sa masters men’s 1,500m (4:51.16), Rosie Villarito ng Army-A sa women’s javelin throw (46.60s) at Kevin Capangpangan ng UST sa boys 5,000m (16:09.32s).