MAY nakapagsabi, na kapag ikaw ay “huli na sa biyahe”, nangangahulugan na nalilipasan ka na ng panahon upang magkaroon ng kapareha o kasintahan o asawa o katuwang sa buhay. Huli sa biyahe? Eh, ano? Mabuti na iyon kaysa makapangasapa ka ng hindi mo kasundo, na hindi mo mawari ang ugali, na hindi mo matiis ang sari-sari nitong rituwal o pinaniniwalaan o prinsipyo sa buhay. Kaya may mga aral kang mapupulot sa pagiging single, upang ihanda ka nito sa buhay na may karelasyon sa hinaharap. Ipagpatuloy natin...
- Umaakit ang magkasalungat. – Ang paniniwala na maaakit ka sa isang taong taglay ang kabaligtaran ng iyong pag-uugali, ay parang matatagpuan lamang sa mga romance novel. Ngunit ang umibig sa isang taglay ang mga interes na katulad ng sa iyo ay may mas malamang na tumagal ang inyong pagsasama.
- Bulag ang pag-ibig. – Kaysarap nang umibig; para kang iniaakyat sa ikapitong langit, wika nga. Habang single ka, mayroon kang pagkakataon na alamin sa magkakasintahan o mga mag-asawa kung paano sila nagtatagal na nagmamahalan, nag-uunawaan, at nagbibigayan. Kasi nga para kang bulag kapag pinasok mo ang isang relasyon sa unang pagkakataon. Sa pagmamasid, malalaman mo ang kaibahan ng realidad sa pantasya.
- Ibaba ang iyong expectations. – Huwag umasa masyado na ang kapareha mo na ang sagot sa iyong mga dalangin. Ang pakikipagrelasyon ay isang pagkakataon na maging masaya at tumuklas sa inyong paglalakbay patungo sa hinaharap. Huwag gayahin ang iba pang magkakapareha o magtakda ng hindi makatotohanang pag-asa. Maging masaya sa kasalukuyan.