Kinasuhan ng plunder ng isang jail inspector ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang kanyang mga superior dahil sa umano’y maanomalyang paggamit ng pondo ng ahensiya na umaabot sa P50 milyon.
Sa apat na pahinang reklamo ni Angelina Lumba Bautista, jail inspector ng Valenzuela City Jail at taga-Barangay Muzon, Apalit, Pampanga, sinabi niyang bagamat nalalagay sa alanganin ang kanyang buhay sa pagdedemanda sa kanyang mga superior sa BJMP, naniniwala siya na dapat na aniyang matigil ang anomalya ng mga ito at panlalamang sa gobyerno.
Kinasuhan ni Bautista ng plunder sina BJMP Director Diony Dacanay Mamaril; Chief Supt. Alfredo Daupan Soliba, chief directorate for comptrollership; Chief Budget Officer Mila Comia; Jail Supt. Arnulfo Obias, dating director ng BJMP-Region 3; at mga itinalagang BJMP Region 3 director mula Agosto 2010 hanggang Agosto 2013.
Kabilang din sa kinasuhan ng plunder sina Jail Insp. Jaime Bumactao, disbursing officer ng BJMP Region 3 mula Agosto 2010 hanggang Agosto 2013; Jail Insp. Lorna Capili, budget officer ng BJMP-Region 3; lahat ng designated budget officer ng BJMP Region 3 mula Agosto 2010 hanggang Agosto 2013; at Jail Insp. Gilbert Marpuri Jr., accountant ng BJMP Region 3 at mga designated account officer ng BJMP Region 3 mula Agosto 2010 hanggang Agosto 2013.
Sa reklamo ni Bautista, sinabi niyang nagawa umanong limasin ng nabanggit ng mga opisyal ang P50 milyon nang pumasok sa kasunduan ang BJMP sa mga lokal na pamahalaan para sa paglilipat sa ahensiya ng pangangasiwa sa mga kulungan mula sa mga lokal na pamahalaan.