war dance

Sinulat at mga larawang kuha ni Zaldy Comanda

BAYANIHAN SPIRIT at kahalagahan ng kultura at tradisyon ang naging sentro ng pagdiriwang na isinagawa ng mga Igorot sa bayan ng Tadian, Mountain Province sa kanilang 7th Ayyoweng di Lambak ( Echo of Celebration) nitong Marso 6 hanggang 8.

Naging simbolo ng pagkakaisa sa mga residente ang pagtatayo ng 20 talampakan na bahay sa loob ng lamang ng isang araw sa pamamagitan ng bayanihan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang tradisyunal na Igorot house na tinawag na “binangi” ay tulung-tulong na itinayo ng 176 na residente, para ipakita na patuloy na nananatili ang bayanihan spirit sa panahon ng pangangailangan sa anumang bagay.

Ang binangi ay isang traditional “A” type house ng mga Igorot, na gawa sa kahoy, kawayan at bubong na kugon. Wala itong pako o metal bolts kundi itinali lamang ng mga “waka” o “owey” (baging) at may taas na 20 feet na may tatlong palapag at may base measures na 9x9 to 24x24 feet.

Ayon kay Mayor Anthony Wooden, ginawa ito hindi lamang bilang atraksiyon sa idinaos na kapistahan kundi bilang re-enactment upang maipakita ang kahalagahan ng bayanihan sa mga Igorot noon pa man hanggang ngayon.

Aniya, hindi dapat mawala ang ganitong tradisyon anumang panahon at anumang pagsubok ang kinahaharap. Hinihimok niya ang kabataan na sa halip na magpatayo ng modernong bahay ay piliin na lamang ang binangi, upang hindi mabaon sa limot ang ganitong tradisyon.

Igorot (Binangi) House

Sa simpleng selebrasyon ng kapistahan, nakilahok ang municipal officials at barangay na nagpamalas ng kani-kanilang ritual dance, na may kaugnayan sa kanilang pamumuhay, habang suot ang Igorot at tapis, kasunod ang indigenous games.

Ang bahay na hango sa makalumang panahon na tirahan ng mga Igorot ay magsisilbing tourist attractions ngayon sa Tadian.