Pangungunahan ng tatlong collegiate MVP’s ang binuong pool para sa PH Women’s volleyball team na isasabak sa Asian Women’s Under-23 Volleyball Championships sa Mayo 1-9 sa bansa.

Kinabibilangan ito ni UAAP back-to-back MVP Alyssa Valdez, NCAA MVP Grethcel Soltones at dating UAAP MVP Abby Marano.

“Actually, matagal na kaming nag-uusap nina coach Roger (Gorayeb) at ni coach Sammy (Acaylar) about this things. The list that we have is based on what we see and what’s on record,” ayon kay Larong Volleyball ng Pilipinas, Inc. (LVPI) president Joey Romasanta na siyang nagbigay ng nasabing listahan sa mga kagawad ng media na nagkober sa opening ng Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Confernce 2015 sa MOA Arena noong Sabado ng hapon.

“Of course kasama na rin ‘yung age limitation na kailangan ay 22 sila.”

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Bukod sa tatlong nabanggit na manlalaro, makakasama rin sa 14-man pool ang mga kakampi ni Valdez na sina Bea de Leon at Jia Morado ng UAAP back-to-back champion na Ateneo de Manila University (ADMU).

Ayon kay Romasanta, mismong ang Ateneo pa ang nag-alok na gawing practice venue ng binuong koponan ang kanilang Blue Eagle gym sa Katipunan.

Kabilang din sa listahan ang UAAP Season 77 Rookie of the Year na si EJ Laure at kakampi nito na si Ria Meneses ng University of Sto. Tomas (UST), ang magkapatid na Dindin Santiago-Manabat at Jaja Santiago kasama ang kakamping si Myla Pablo ng National University (NU), Alyssa Eroa ng San Sebastian College (SSC), Cristine Joy Rosario ng Arellano University (AU), Tin Agno ng Far Eastern University (FEU) at Kim Fajardo ng De La Salle University (DLSU).

Napiling head coach sa koponan si Roger Gorayeb ng NU at SSC habang assistant coach naman si Sammy Acaylar ng University of Perpetual Help.

Makatutulong naman nila, bilang bahagi na rin ng pagsuporta ng Ateneo sa national team, ang head coach nila na si Anusorn Bundit ng Thailand na tatayong trainer at consultant.

Ang Team Pilipinas ay napabilang sa Group A sa ginanap na draw para sa Asian Women’s under-23 Championships kung saan ay nakasama nila sa grupo ang Kazakhstan at Iran.

Ibinalita rin ni Romasanta na pinaplano ng LVPI, sa tulong ni PSL President Ramon “Tatz” Suzara na siya ring head ng Asian Volleyball Confederation (AVC) marketing and development, na ipadala ang koponan sa Japan para makapagsanay sa loob ng dalawang linggo bago sumabak sa kompetisyon.

“But this is just for starters kasi we need to start somewhere and hopefully when things settle down then we can probably have a better view of how things should be and how we are,” ayon pa kay Romasanta.

Kaugnay nito, nanawagan din si Romasanta sa publiko na iwasan na ang mga negatibong komento tungkol sa nabuong koponan.

“Nakikiusap kami na sana, kung puwede, ay i-encourage na natin itong mga manlalarong nakalagay sa listahan and hopefully with the encouragement they will perform better. Hindi na natin kailangan ‘yung psychological baggage na dapat si ganito, dapat si ganoon. There will always be comments like that but let’s be kinder whatever team we’ll be able to come up with,” dagdag pa ni Romasanta.

Ayon pa kay Romasanta, karamihan sa mga manlalarong ito ang posibleng bumuo na rin ng core ng koponang isasabak sa 28th Southeast Asian Games sa Hunyo sa Singapore.

Ngunit plano nilang dagdagan ang mga ito ng mas senior at mas beteranong mga manlalaro na gaya nina dating UST standouts Aiza Maizo Pontillas, Rhea Katrina Dimaculangan, Jovelyn Gonzaga at Rachel Daquis.

Samantala, sa isang hiwalay na panayam, sinabi naman ni Acaylar na nagkataong head coach din ng Cignal HD Spikers sa PSL, na hindi pa naman pinal ang nasabing listahan kung kaya may posibilidad pa itong madagdagan bago sila magsimulang mag-ensayo sa Abril 6.

Ayon kay Acaylar, may mga inimbitahan pa silang mga manlalaro na kung magdedesisyong sumama sa koponan ay kanilang tatanggapin, kabilang na dito ang iba pang collegiate standouts.