Isang araw bago bumiyahe ang mga “Express Connect” bus sa EDSA, dalawang pampasaherong bus ang nasangkot sa aksidente sa Makati City kahapon, at 11 katao ang sugatan.

Ayon sa ulat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), binangga umano ng isang Precious Grace bus (UVH-567) ang likuran ng JAC Liner bus (UVW-955) sa northbound lane ng EDSA malapit sa Pasay Road dakong 7:40 ng umaga kahapon.

Labing-isang pasahero ang nasugatan sa insidente—pito mula sa JAC Liner bus na nanggaling sa Lucena City at patungong Quezon City, at apat sa Precious Grace bus na patungong Malanday.

Ang apat na sugatang pasahero ng Precious Grace bus ay isinugod sa Ospital ng Makati.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Ilan sa mga sugatan ay sina Carlos Petinia, Rochelle Petinia, Amorcena Delas Salas, Mary Rose Dequina, Lolita De Lenia, Nico John Rey De Lenia, 9; at Jun Sales, dalawang taong gulang.

Nagtamo ng sugat at pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima, ayon sa pulisya.

Ayon sa driver ng Precious Grace bus na si Romano Parina, na kabilang sa mga sugatan, nawalan ng preno ang kanyang sasakyan hanggang sa bumangga ito sa sinusundang JAC Liner bus.

Dahil sa lakas ng salpukan ng dalawang bus, tumilapon ang mga bitbit ng pasahero sa harapan ng dalawang bus.

Inilagay sa kustodiya ng pulisya ang driver ng dalawang bus upang sumailalim sa imbestigasyon.

Samantala, magsisimula nang bumiyahe ang 50 Express Connect bus sa tatlong ruta; E1 (Fairview-Ortigas Avenue/Gil Puyat Avenue LRT station na may 20 bus unit), E2 (Fairview-Ayala Avenue/Gil Puyat Avenue LRT station na may 10 unit), at E3 (Fairview-Ayala Avenue MRT station-SM Mall of Asia rotunda) na may 20 bus.