Humakot ng tig-isang ginto at pilak ang Team Pilipinas matapos ang dalawang araw na kompetisyon sa Asian Archery Cup sa Bangkok, Thailand.

Hinablot nina Amaya Paz-Cojuangco at Jeff Adriano ang ginto sa Mixed Compound Team event bago isinukbit muli ni Paz-Cojuangco ang pilak sa Women’s Individual Compound upang pag-alabin ang kampanya ng Pilipinas.

Nakatakda pang sumabak kahapon ang Men’s Compound na binubuo nina Adriano, Earl Yap at Paul dela Cruz at Women’s Compound nina Paz-Cojuangco, Jen Chan at Andrea Robles.

Sasabak din ang Men’s Recurve nina Florante Matan, Zander Lee Reyes at Javier at maging ang Women’s team nina Rachel Ann Cabral, Dela Cruz, Kareel Hongitan at Mary Queen Ybanez sa team events.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kinapos ang top seed na si Paz-Cojuangco sa kanyang unang biktima na si second seed Surekha Vennam ng India, 140-146, sa Compound Individual finale upang magkasya lamang sa pilak ilang minuto lamang ang lumipas matapos magwagi ng ginto sa mixed Compound team.

Inamin ni Amaya na hindi agad nakapag-adjust sa mahanging kondisyon sa Huangmak field sa kampeonato upang hayaan nito si Vennam na dominahin ang finals. Unang tinalo ni Amaya at kaparehang si Adriano si Vennam sa finals din ng team event.

Ikinatuwa naman ng 19-kataong Philippine archery team ang medalyang pilak na magsisilbing inspirasyon para sa miyembro nito na sasagupa pa rin sa Men’s at Women’s team Olympic Rounds.

Kinapos din sa Men’s Compound Individual ang top seed na si Adriano makaraang magwagi kina Akbarali karabayev ng Kazakhstan, 141-134, sa round of 16; 17th seed Ajay Malshikare ng India , 143-141; 41st ranked Kim Dong Gyu ng Korea, 146-144 sa quarters, bago nabigo sa Asian Games champion na si Esmail Ebadi ng Iran, 143-148, sa semis.