Tinukoy ang separation of powers sa tatlong sangay ng gobyerno, inihayag ng pamunuan ng Kamara na wala itong plano na imbitahan si Pangulong Benigno S. Aquino III sa imbestigasyon ng Mababang Kapulungan sa operasyon ng pulisya kontra terorismo na ikinamatay ng 44 na elite police commando, 18 miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at pitong sibilyan sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Sinabi ni Speaker Feliciano Belmonte Jr., bise presidente ng Liberal Party, na hindi na kailangan pang humarap ang Pangulo sa imbestigasyon ng Kongreso sa Abril 7-8, dahil nagsagawa na rin naman ng hiwalay at masususing pagsisiyasat ang Philippine National Police (PNP)-Board of Inquiry at Senado tungkol sa insidente.
“Remember we have had two exhaustive inquiries already. This is just to wrap up. Certainly, we have no intention of inviting him to inquiry, but would welcome any information he would give,” sinabi ni Belmonte sa isang pahayag.
Aniya, bagamat hindi nila oobligahin ang Pangulo na humarap sa imbestigasyon ng Kamara, inaasahan naman nilang isusumite ng Malacañang sa Mababang Kapulungan ang transcript ng palitan nito ng mga text exchange kay dating PNP chief Director Gen. Alan Purisima bago nila simulan ang pagsisiyasat sa Abril 7.
Sumang-ayon naman kay Belmonte si Deputy Majority Leader at Citizens Battle Against Corruption Party-list Rep. Sherwin Tugna, sinabing hindi na kailangang obligahin ang Pangulo na dumalo sa ikalawang bahagi ng joint probe ng House Committee on Public Order and Safety at House Commitee on Peace, Reconciliation and Unity dahil “it should be used for the allowed purpose, that is to craft good legislation.”
Sang-ayon din maging si Parañaque City Rep. Gustavo “Gus” Tambunting, kaalyado ni Vice President Jejomar Binay, bilang respeto na rin sa Pangulo, at idinagdag na ito rin ang dahilan kaya hindi siya sumang-ayon na imbitahan ang Bise Presidente sa mga pagdinig ng Senado ilang buwan na ang nakalilipas.
Nauna rito, nagpahayag ng intensiyon ang minorya ng Kamara na imbitahan ang Pangulo sa Mamasapano probe nito at nagpaabot naman si PNoy ng kahandaang makipagtulungan sa imbestigasyon ng Mababang Kapulungan.