NEW YORK (AP) — Kinilala si Pharell Williams, mahilig sa matataas na sombrero at magagarang sapatos, bilang fashion icon of the year ng Council of Fashion Designers sa America.
Ang singer, songwriter at record producer ang natatanging ginawaran para sa Fashion Icon Award, na matatanggap sa Hunyo 1 sa Lincoln Center.
“If cool was a person, it would be Pharrell, not just for his looks and sense of style but for his kindness and openness. I cannot imagine anyone not seduced by him,” pahayag ni Diane von Furstenberg, president ng CFDA sa isang statement na inilabas noong Miyerkules.
Matatandaang si Rihanna ang nakatanggap ng nasabing parangal noong nakaraang taon, suot ang kanyang see-through dress sa pagkuha ng parangal. Pinarangalan din sa nakalipas na mga taon sina Johnny Depp, Lady Gaga, Iman, Kate Moss at Nicole Kidman.
Bukod sa nakakamit na tagumpay sa pagkanta, si Pharrell ang co-founder ng clothing brand na Billionaire Boys Club at Ice Cream Footwear. Nagmamay-ari rin siya ng boutique sa New York City at mayroong co-designed jewelry at eyeglasses para sa Louis Vuitton.