LAS VEGAS (AP)— Sinabi ng top anti-doping official na mahaharap sina Floyd Mayweather Jr. at Manny Pacquiao sa mas mabigat na kaparusahan para sa prefight positive test sa banned substance kaysa ang $5 million fine na ‘di naipursige ng adviser ni Pacquiao.
Sinabi ni Travis Tygart, ang chief executive ng United States Anti-Doping Agency, na ang positive test ang guguho sa May 2 fight, kung saan ay nakataya ang mahigit sa total purse na $200 million.
Sasailalim din ang fighter, kung mapapatunayang nagpositibo sa pagsusuri, sa inaasahang career-ending ban ng apat na taon bago magsimula ang kompetisyon.
"If there's a positive test prior to the fight, the penalty for the fighter who violates it is going to be a lot higher than $5 million," pahayag ni Tygart kahapon.
Kapwa lumagda ang dalawa ng agreements sa USADA upang isagawa ang drug testing para sa May 2 megafight na siyang may pinakamalaking makukuhang premyo sa kasaysayan ng boksing.
Inaasahang tatanggap si Mayweather ng ‘di bababa sa $120 million habang si Pacquiao ay magkakamal ng $80 million para sa pinakaaabangang bakbakan sa kanilang henerasyon.
Iminungkahi ng adviser ni Pacquiao na si Michael Koncz ang $5 million penalty para sa positive test, na ‘di naman sinang-ayunan ng kampo ni Mayweather. Iniulat na ‘di napagkasunduan ang nasabing isyu hanggang sa magkaharap ang dalawang mandirigma sa Los Angeles press conference sa kaagahan ng buwan na ito, nang lagdaan nila ang kontrata.
Ayon kay Tygart, kung sakali man na nagpositibo sa pagsusuri ang dalawa para sa banned substance, agad na ipalalabas nila ang resulta at ipadadala sa Nevada Athletic Commission kung saan ang komisyon at ang anti-doping agency ang magbibigay ng disciplinary action.
"They signed on to the sanctioning process that is clearly spelled out," ayon kay Tygart. "It's a contract that would be enforceable against them."
Tumutugon ang USADA sa World Anti-Doping Code, na siyang sumusuri sa substances na illegal at kung anong uri ng parusa ang ipapataw para sa nagpostibo sa pagsusuri. Kung sakali man na nagpositibo ang dalawa sa kahalintulad na steroids o human growth hormone, mahaharap sila sa ban ng apat na taon na makapagbibigay ng malaking karangalan sa komisyon.
Ang drug testing ay naging isyu nang nasimulang pag-uusap ay nangyari may limang taon na ang nakalilipas para sa sagupaan, kung saan ay hinimok ng kampo ni Mayweather na masuri ang dugo at ihi ng dalawang boksingero.
Maraming okasyon na hiniling ni Mayweather na sumailalim si Pacquiao sa testing na ‘di naman nangyari kaya’t ito ang pinagsimulan ng pagkaka-udlot ng laban ng dalawa.
Idinemanda ni Pacquiao si Mayweather ng defamation kung saan ay sinabi ng huli na gumagamit ng performance-enhancing drugs ang Pambansang Kamao, ang kaso na naisaayos naman ‘di kalaunan sa korte.