SA ika-9 na taon ng Pinoy Media Congress (PMC), muling humarap ang ABS-CBN executives sa communication students upang magbahagi o magsalin-kaalaman tungkol sa uri ng mundo na kanilang patutunguhan pagkatapos ng kanilang pag-aaral.
Mahigit isang libong estudyante ang nakinig sa pagsasalita ng mga ehekutibo ng ABS-CBN sa pangunguna ni President/CEO Charo Santos-Concio na nagbigay payo na mahalaga ang ang good values at pagiging responsable sa paggamit ng media para maghatid ng inspirasyon sa publiko at hindi sa negatibong paraan.
“Your talent may win you your dream. But only your good values that will make you feel proud of yourself,” sabi ni Charo Santos sa kanyang keynote address sa Pinoy Media Congress Year 9 sa St. Paul University Manila nitong nakaraang linggo.
Kasama ni Charo sa kanyang homecoming sa kanyang alma mater ang ilang ABS-CBN executives na nagsilbing resource speakers sa PMC, na ang layunin ay upang maihanda ang mga estudyante sa kanilang magiging propesyon. Sila ay sina ABS-CBN executives Fernando Villar, Maria Concepcion Alcedo, March Ventosa, Marah Faner-Capuyan, Roxy Liquigan, Ging Reyes, Donald Lim, Leo Katigbak, Enrico Santos, Vivian Tin, at Laurenti Dyogi.
Nagbahagi rin ng kaalaman sina Asian Institute of Journalism and Communication President Prof. Ramon Tuazon, ABS-CBN News correspondent Atom Araullo, at Movie and Television Review & Classification Board Chairman Atty. Eugenio Villareal.
Kabilang sa panelists ng PMC sina ABS-CBN Publishing Inc. President Ernie Lopez, ang ABS-CBN Film Productions Inc. (AFPI) creative director na si Vanessa Valdez, AFPI consultant Angie Yu-Pineda, at ABS-CBN business units heads Linggit Tan-Marasigan, Deo Endrinal, Julie Ann Benitez, Ginny Ocampo, Lui Andrada, Joyce Liquicia, at Reily Santiago.
Pagkatapos ng mga sesyon na layong mas naintindihan ng mga estudyante ang mga bagong sistema at teknolohiya sa media, nakipagdayalogo rin sa mga estudyante ang ABS-CBN bosses sa pangunguna ni Free TV Head Cory Vidanes.
Paulit-ulit na ipinaalala sa mga estudyante ang kahalagahan ng tamang pag-uugali sa industriya. Ani Vidanes, kailangan ng sipag at sakripisyo. Pagiging kritikal naman ang sabi ni Reyes. Sabi ni Tin, kailangan ding buo ang loob at puso ng mga gustong pumasok sa media. Payo naman ni Dyogi, matuto silang magkuwento ng magagandang istorya at kaya nila itong simulan sa kani-kanilang tahanan.
Sorpresa ang pagdating ng ilang Kapamilya stars tulad nina Nash Aguas, Alexa Ilacad, Loisa at Joshua ng Pinoy Big Brother, Rayver Cruz, JM de Guzman, at Alex Gonzaga na nagbigay aliw sa mga estudyante.
Ipinahayag ng mga delegado na nagmula pa ang karamihan sa malalayong probinsiya tulad ng Baguio, Tacloban, at Cagayan de Oro ang kasiyahan sa pakikibahagi sa PMC, na isinasagawa sa pagtutulungan ng ABS-CBN Corporation at Philippine Association of Communication Educators Foundation (PACEF).
Sabi ni Ysabel Bonifacio sa Twitter, “It was the best congress I have attended for this school year.” Si Majji Porcalla naman ay nag-tweet ng “I feel so honored to be a part of the event. I learned a lot!”
Bumuhos maging sa Instagram ang posts tungkol sa PMC. Ani Jonah Garcia, “It was nice to hear it all from the professionals of the Communication Industry,” at ang sabi naman ni Angelica Gallardo, “We got the chance to hear the insights and experiences of the prominent people in the industry and we also got the chance to see artists perform.”
Sa tagumpay ng ikasiyam na taon ng PMC, umaasa si ABS-CBN Integrated Corporate Communications Division Officer-in-Charge Kane Errol Choa na mas marami pang estudyante ang kanilang matutulungan sa hinaharap.
“Masaya kami at patuloy na dumarami ang mga delegado kada taon. Pati ibang institusyon, nagsasagawa na rin ng ganitong klaseng pagtitipon. Patuloy pang tutulungan ng ABS-CBN na ihanda ang mga estudyante para siguraduhing ang magandang kinabukasan ng ating media,” sabi ni Choa.