Sumailalim kahapon sa eye check-up si Senator Juan Ponce-Enrile matapos payagan ng Sandiganbayan na makalabas sa PNP General Hospital, na roon siya naka-hospital arrest dahil sa kinakaharap na mga kasong plunder at graft kaugnay ng pagkakasangkot sa “pork barrel” fund scam.
Pasado 7:00 ng umaga nang ilabas ng kanyang mga security escort si Enrile mula sa nabanggit na ospital at dinala sa Asian Eye Institute sa Makati City para sa nasabing pagsusuri.
Isasailalim pa sa eye examination si Enrile sa Marso 23-24, alinsunod na rin sa utos ng anti-graft court.
Matatandaang ibinalik si Enrile sa Philippine National Police (PNP) Headquarters nitong Huwebes matapos ang ilang linggong pagkakaratay sa Makati Medical Center dahil sa pneumonia.
Una nang iginiit ng kampo ni Enrile na posibleng mabulag ang senador kung hindi masusuri ang idinadaing nitong sakit sa mata.
Kabilang si Enrile sa mga kinasuhan dahil sa pagtanggap umano ng P172.834 milyong kickback mula sa kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF), sa pakikipagsabwatan umano sa itinuturong utak ng scam na si Janet Lim-Napoles.