Audrey Yorac

STA. CRUZ, Laguna– Kinubra nina Fil-Heritage Caleb Stuart at bagyong ‘Yolanda’ survivor Karen Janario ang tig-dalawang gintong medalya sa pagpapatuloy ng aksiyon at pagbabago sa pambansang koponan sa ginaganap na 2015 Philippine National Open-Invitational Athletics Championships sa Laguna Sports Complex.

Matapos iuwi ang kanyang unang ginto sa shot put (16.52m), kinolekta naman ni Stuart ang ikalawa sa paborito nitong hammer throw (64.61m) upang maging ikalawang atleta na nagbulsa ng pinakamaraming ginto sa apat na araw na torneo, kasama si Janario ng Leyte Sports Academy sa girls division.

Unang hinablot ni Janario at kakampi na si Melissa Escoton ng LSA A ang ginto at pilak sa naitalang oras na 15:14 at 15:42 segundo sa girls 100m hurdles bago dinomina ni Janario, kasama rin ang isa pang kakampi na si Feiza Jane Lenton, ang ginto at pilak naman sa girls 400m run sa oras na 59.21 at 59.72 segundo, ayon sa pagkakasunod.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nagpakitang-gilas naman ang miyembro ng pambansang koponan na si Marestella Torres na muling ipinakita na siya pa rin ang reyna sa women’s long jump habang nalagay sa posibleng pagkakatalsik ang ilan sa kasamahan nito matapos na mabigo sa kanilang sinalihang disipilina.

Kinolekta ng 34-anyos at miyembro ng Philippine Army (PA) na si Torres, na nasa kanyang unang torneo matapos sumabak sa Incheon Asian Games, ang ginto sa pagtalon sa 6.47m habang pumangalawa si Khay Katherin Santos ng University of Baguio (6.25m) at pumangatlo naman si Felyn Dolloso (5:49m).

Inaasahang mawawala naman ang isa sa miyembro ng pambansang koponan na nag-ambag ng gintong medalya sa 2013 Myanmar SEA Games sa 4x400m event na si Isidro Del Prado Jr. matapos itong mabigong makuwalipika sa kahit man lamang sa top 8 o finals ng 400m.

Sinabi ni Philippine Sports Commission (PSC) consultant for athletics Andrew Perie na nakataya sa ginaganap na torneo ang silya at pagkakataon ng bawat miyembro ng pambansang koponan na patunayan na karapat-dapat silang mapasama sa delegasyon sa 28th Southeast Asian Games.

Si Del Prado ay isa sa apat na miyembro ng men’s 4x400m na nag-ambag sa anim na iniuwing gintong medalya ng PATAFA noong 2013 SEA Games. Ang tatlo ay sina Edgardo Alejan Jr., Archand Bagsit, at Julius Nierra Jr.

Nagwagi naman si Christopher Ulboc ng PAF A sa men’s 3,000m steeplechase upang sementuhan ang kanyang puwesto sa Singapore SEA Games sa Hunyo 5 hanggang 16. Siya ay naorasan na 9:09.73. Pumangalawa ang 5th time SEA Games gold medalist na si Rene Herrera (9:11.91) at ikatlo si John Rey Moreno (9:49.21).

Ang iba pang nag-uwi ng ginto ay sina Lealyn Sanita ng Leyte Sports Academy-B sa girls 5,000 run (20:38.6), Ramil Aoay ng La Union sa men’s masters 400m (1:05.70), Victoria Calma sa women’s master 400m (1:10.03), John Kenneth Nodos sa boys 400m (50.45) at si Bagsit sa men’s 400m (42.26).

Namayani rin sa women’s shot put si Narcisa Atienza ng Philippine Army (12.30m), Donovant Arriola ng Air Force (7.59m), Brandon Thomas sa men’s 100m (10.80s), Carlo Caong ng DLS-CSB sa boys discus throw (42.18), Francis Medina sa boys 110m hurdles (14.23) at Patrick Unos sa men’s 110m hurdles (14.28).