Tuwing may binibitay sa pagpupuslit ng illegal drugs at iba pang karumaldumal na krimen sa ibang bansa, lalong tumitindi ang pagpapanumbalik sa parusang kamatayan sa Pilipinas. Kamakailan lamang, isa na namang drug convict – na nagkataong kababayan pa natin – ang binitay sa Malaysia. Sinasabi na ang ipinupuslit na mga droga ay nagmumula sa mga pabrika ng shabu sa ating bansa.
Sa kabila ng nakakikilabot na katotohanang ito, nananatili ang matinding balakid upang ibalik ang death penalty. Mula nang ang parusang bitay ay pawalang-bisa ng Arroyo administration at ibinalik naman ng Estrada regime, ang mga heinous crimes ay hinahatulan na lamang ng habambuhay na pagkabilanggo. Naging dahilan ito ng pamamayagpag ng mga pusher at ng mismong mga sugapa sa bawal na droga. Kaakibat ito ng kabi-kabilang patayan na bunsod ng paghithit ng shabu; patayan ng magkakapamilya.
Mismong mga awtoridad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nagpapatunay na talagang talamak ang paggamit ng droga. Isipin na lamang na pati ang hanay ng mga alagad ng batas – pulisya, militar at iba pang security agencies – ay nahuhumaling sa naturang kasuklam-suklam na bisyo. Bukod pa rito ang iba’t ibang kagawaran ng gobyerno na talamak din sa mga drug addict.
Yamang tila malabo nang maibalik ang death penalty, wala nang epektibong alternatibo upang lipulin ang illegal drugs – at ang mismong gumagamit nito – kundi paigtingin ang pagtultol sa mga shabu manufacturers. Sama-samang pagkilos o collective efforts ang kailangan, lalo na ng mga barangay officials. Higit kaninuman, sila ang nakakaalam ng kilos ng sambayanan sa kani-kanilang mga nasasakupan; batid nila kung sino ang mga bagong mukha at mga sugapa sa mga bawal na droga. Kailangan lamang na sila ay maging tapat sa kanilang mga tungkulin. Hindi lingid sa kanila ang lihim na operasyon o clandestine operations ng mga pabrika ng shabu na karaniwang pinamamahalaan ng mga dayuhan.
Collective efforts ang panlaban sa talamak na pagkasugapa sa illegal drugs.