Nabalian ng mga buto ang isang Pinay na tumalon mula sa mataas na palapag ng isang gusali para matakasan ang tangkang panggagahasa ng isang Pakistani sa United Arab Emirates (UAE).

Sa pagdinig sa Dubai Court of First Instance noong Marso 18, inilahad ng 21-anyos na Pinay na dakong 5:30 ng hapon noong Nobyembre 9 ay nagpasama ang 28-anyos na Pakistani driver sa isang opisina sa Global Village, Naif upang kunin ang ilang dokumento.

Pagdating nila sa opisina ay biglang ikinandado ng suspek ang pintuan, pinatay ang ilaw at pinagtangkaan siyang gahasain. Nagkunwari ang Pinay na nahihirapan siyang huminga at humingi ng tubig sa Pakistani. Habang kumukuha ng tubig ang lalaki ay nagpadala ng mensahe ang biktima sa Facebook ng isang kaibigan upang siya ay tulungan.

Nang bumalik ang Pakistani ay kumuha ng upuan ang Pinay at sinabing tatalon siya subalit tinawanan lamang siya ng suspek kayat napilitan siyang tumalon sa gusali dahilan para mawalan siya ng malay at mabalian ng buto sa katawan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa pahayag sa korte ng kaibigang Pakistani ng biktima ay pinatunayan nito na may natanggap siyang mensahe mula sa Pinay na humihingi ng tulong.

Sumuko sa pulisya ang suspek at sinabi sa korte na wala siyang ginawang masama sa biktima kaya’t walang dahilan upang tumalon ito sa bintana.

Magpapatuloy ang pagdinig sa kaso.