Isang sub-leader ng Abu Sayyaf ang binaril at napatay ng sarili niyang pamangkin habang naliligo siya sa isang sapa sa Sulu, na ayon sa militar ay bunsod ng selos, intriga at may kinalaman din sa pinaghatiang ransom money na nakolekta ng grupo.
Sa military report ay kinilala ang napatay na si Khalid Sali, pinagkakatiwalaang tauhan ni Radullan Sahiron, leader ng Abu Sayyaf sa Sulu at Basilan.
Pinatay si Sali ng pamangkin niyang si Yasser Sahiron.
Ayon sa report, naliligo si Sali kasama ang apat niyang bodyguard sa isang sapa sa Barangay Bud Bunga, nang dumating ang isa pang unit ng Abu Sayyaf, sa pangunguna ni Hatib Hajan Sawadjaan at inudyukan ng mga ito si Sahiron na ang tiyuhin nitong si Sali ay isa umanong military informant.
Nagalit si Sahiron, nilapitan ang tiyuhin sa sapa at walang sabi-sabing pinagbabaril ito, na ikinamatay ng biktima at ikinasugat ng apat na bodyguard nito.
Ayon sa intelligence reports, may hinala si Sahiron na itinitimbre ni Sali sa militar ang kanyang unit, bukod pa sa iniulat ng militar na naging arogante na ang biktima sa mga kapwa niya sub-leader dahil sa pagiging malapit niya sa Abu Sayyaf leader. Iniintriga rin si Sali sa hatian ng ransom money.- Philippine News Agency