Toni Gonzaga

IKAKASAL sina Direk Paul Soriano at Toni Gonzaga sa Hunyo 12 pero hanggang ngayon ay wala pa ring nakakaalam kung saan ang reception dahil hinahanapan pa raw ng malaking venue.

Pero may nagkuwento sa amin na ang kilalang si Chef Jessie ng Rockwell Club, Le Souffle, Revolving Restaurant sa Eastwood City at iba pang kilalang restaurant ang pinamamahala nina Direk Paul at Toni sa reception dahil paborito siya ng ikakasal.

POGO dapat tuldukan na, kalampag ni Kiko kay PBBM sa SONA

“Actually, Reggee maski na busy si Toni, sila ni Direk Paul ang nag-aasikaso ng kasal nila, hindi nila in-involve ang pamilya nila, pati nga mommy niya walang alam,” kuwento ng spy naming na malapit sa pamilya ni Toni.

“Alam mo ba na supposedly kasama si Mommy Pinty sa Hong Kong para magsukat ng isusuot niya sa kasal? Hindi nakasama kasi may lakad yata kaya si Alex ang nakasama ni Toni.”

Kaya pala naidaldal sa amin ni Alex na si Vera Wang ang gagawa ng wedding gown ni Toni.

“Oo, ganu’n nga. Kaya ang ending, pinasukatan na lang si Mommy Pinty kasi hindi nga siya nakapunta,” say ng source. “Muntik pa ngang hindi matuloy sa Vera Wang kasi six months pala ang reservation doon, ‘tapos nag-email at nagpakilala si Toni kung sino siya kasi may nagustuhan siyang wedding gown, ‘tapos sinagot naman siya ni Vera Wang na, okay we’ll consider with that’ ‘tapos in three months nga matatapos lahat.”

Bakit si Vera Wang ang gusto ni Toni, e, ang dami-daming sikat at magagaling na designer dito sa Pilipinas?

“Naitanong din ‘yan kay Toni, ang sabi niya, ‘halos lahat nasubukan ko na, nagamit ko na lahat ng gowns nila sa mga shows ko, concerts, special occasions, eh, gusto ko namang masubukan ang iba sa kasal ko’. May punto rin naman. Saka matagal na siyang nagtitingin sa Internet at may nagustuhan nga siyang gown ni Vera Wang kaya ganu’n,” sagot sa amin.

Bakit sa Hunyo na ang kasal ngayong taon, e, kamakailan lang nag-propose si Direk Paul?

“Parang, itatapat yata nila sa 8th anniversary nila kaya June bride si Toni,” say sa amin.

May dahilan naman pala kaya ihahabol ang Hunyo 12. E, bakit hindi pa ginawang Hunyo 8 ang kasal para otso-otso?

Bakit gayong ikakasal na lang ay tumanggap pa ng movie project si Toni (kasama si Coco Martin, ang You’re My Boss sa Star Cinema under Direk Antoinette Jadaone)?

Ilang sandaling napaisip ang aming kausap.

“Not sure, ha? Pero alam ko tinanggap ‘yang offer na ‘yan ng January 2015 kasi nga May 13 daw ang playdate. Nag-umpisa ‘yan kay Kris (Aquino), biniro yata ni Kris si Toni na may gagawin daw silang movie, e, sabi ni Toni, ‘wala akong alam, wala namang offer pa, sabi ni Kris, ‘so tatanggihan mo si Coco?’

“Sabi ni Toni, ‘ay, hindi!’ kasi gusto nga niyang makasama rin si Coco, ‘tapos nagtanong yata si Toni kay Mommy Pinty kung may offer sa kanya at sabi nga wala rin.

“’Tapos nag-offer na nga at nakakatawa, si Toni na mismo ang nag-conceptualize ng kuwento ng movie nila ni Coco at ikinuwento niya ito sa Star Cinema at nagustuhan. So, okay na, sabi nag-shoot sila agad.

“Since May pa naman ang playdate, mahaba-haba pa ang preparasyon ‘tapos mga 20 shooting days lang naman yata tapos na ‘yung pelikula. ‘Kaso, nabago yata, April 4 na raw ang playdate, i-check mo, ha, not sure, eh,” mahabang kuwento sa amin.

Mukhang April 4 na nga kasi nag-presscon na ang You’re My Boss last Tuesday night.

Isa pang nakakalokang tsika, gayong sa Hunyo ang kasal nina Toni at Direk Paul, e, may seryeng gagawin kaagad ang TV host/actress sa Hulyo. Paano na ang honeymoon?

“Isang linggo lang yata magbabakasyon si Toni, ‘tapos tatapusin niya muna lahat ng commitments niya. Gusto kasi niya out of the country at magtatagal sila like two months or more kasi first time nila ni Direk Paul na lumabas ng bansa dahil simula naman nang maging magdyowa sila ay hindi naman sila nakapag out–of-the-country na sila lang, hindi sila pinapayagan nina Mommy Pinty at Daddy Carlito niya.”

Saang bahay tutuloy sina Direk Paul at Toni pagkatapos ikasal?

“Hindi ko alam, pero ang alam ko, may condo na nabili sina Direk Paul at Toni sa may McKinley Hills sa The Fort, so siguro doon. Not sure pa rin kasi parang ayaw ng daddy ni Toni kasi nga malayo at dadalawa lang sila, eh, hindi naman puwedeng magkaroroon ng kasama kasi condo ‘yun.

“Pero narinig ko, parang magpapagawa ng bahay sina Direk Paul at Toni sa banda rin doon kasi kapitbahay yata nila si Pops Fernandez,” kuwento pa sa amin.

Hmmm, marami-rami na kaming napagkuwentuhan ng kaibigan nina Direk Paul at Toni, hindi kaya maloka na ang mga ikakasal, Bossing DMB at inunahan na namin sila ng mga detalye?

Reception, mga ninong at ninang, secondary sponsors at honeymoon na lang ang kulang sa mga sinulat namin, he-he-he.