Sta. Cruz, Laguna – Iniuwi ni Mary Grace Delos Santos ang unang nakatayang gintong medalya gayundin ang Fil-Heritage na si Caleb Stuart sa kanyang dalawang hinahangad sa makulay na pagsisimula dito kahapon ng 2015 Philippine National Open-Invitational Athletics Championships sa Laguna Sports Complex.
Isinumite ni Delos Santos, na binitbit ang Philippne Air Force, ang pinakamabilis na oras na 38:05:83 segundo upang iuwi ang gintong medalya sa pinakaunang event sa women’s 10,000m run. Halos 400 na metro ang agwat nito sa pumangalawa na si Jho-an Banayag (39:34:05) at Janice Tawagin ( 40:39:56) na kapwa mula Philippine Army.
Tulad ng inaasahan ay agad na nasungkit ng dating varsity standout sa University of California Riverside sa NCAA Division 1 na si Stuart ang una sa inaasam nitong dalawang gintong medalya matapos dominahin ang shot put. Inihagis nito ang iron ball sa layong 16.52 metro.
“I am quite disappointed with my throw but I had to follow the technique for me not to harm my arms,” sabi ni Stuart, na may personal best na 17.88 sa paglalaro nito noong 2013 West Conference meet sa California at nasa kanyang unang paglahok sa isang internasyonal na torneo sa Pilipinas.
Habang isinusulat ito ay nakatakda pang lumahok si Stuart sa kanyang paboritong event na hammer throw kung saan asam nito ang kanyang ikalawang gintong medalya at ang makapagtala ng bagong Philippine record.
Tinalo naman ni Stuart ang nagwagi ng pilak noong 2013 Myanmar SEA Games na dayo na si Hussin Adi Aliffudin ng Malaysia na nakapaghagis lamang ng 16.21 metro. Pumangatlo sa event na may 14 na lahok ang national record holder na si Eliezer Sunang na nakapaghagis lamang ng 16.05 metro.
Matatandaan na nagsisilbing performance at qualifying meet para kay Stuart at iba pang miyembro ng pambansang koponan ang torneo. Huli nitong itinala ang personal best na 68.86 metro sa hammer throw event sa ginanap na Ben Brown Championship sa California noong Biyernes.
Samantala, nagawa namang tabunan ng kalahok mula Singapore na si Michelle Sing ang kanyang sariling rekord at pati na ang Singapore record sa high jump sa pagtalon nito sa taas na 1.84 metro. Ang dating rekord ni Sing ay 1.80 metro na itinala nito noong 2006
Tinalo ni Sing ang Myanmar SEA Games silver medalist sa heptathlon na si Narcisa Atienza na bitbit ang Philippine Army na nagkasya lamang sa kabuuang 1.75 metro habang ikatlo si Charie Bajuyo ng Philippine Air Force Team A na may natalon na 1.50 metro.
Iniuwi naman ni Aira Teodosio ng University of Santo Tomas ang gintong medalya sa discuss tthrow – junior women sa pagtatala ng 38.59 metro layo ng paghagis sa metal plate. Ikalawa si Daniella Daynata ng Caloocan (31.81m) at ikatlo si Angeli Ann Din ng TMS Ship Agencies (29.79m).