Naitala ng Metro Racal Auto Center ang kanilang ikatlong sunod na panalo matapos pataubin ang wala pa ring panalong Laguna BUSA Warriors, 75-72, sa pagpapatuloy ng aksiyon sa bagong ligang Filsports Basketball Association sa San Juan Gym.

Pinangunahan ang Metro Racal ni John Amboludto na nagtapos na may 18 puntos at 8 rebounds bukod pa sa 2 steals at 1 assist.

Nabalewala naman ang game-high 21 puntos ni Marvin Moraga gayundin ang naitalang double-double 15 puntos at 11 rebounds ni BUSA Warriors playing coach, Nic Belasco dahil bumagsak ang kanyang koponan sa ikatlong dikit nitong pagkabigo.

Sa ikalawang laban, nakamit na din sa wakas ng Numero Uno Antipolo Pilgrims ang una nilang panalo matapos ang tatlong laro pagkaraang gapiin ang Quezon City-UP Fighting Maroons 70-60.

National

Ofel, mas humina pa habang nasa vicinity ng Gonzaga, Cagayan

Naitala ng Pilgrims ang nasabing panalo sa kabila ng pagkakaroon lamang ng walong manlalaro matapos kumalas fourth quarter mula sa tablang score na 58 all sa pagtarapos ng third period.

Pinamunuan ni Joseph Marquez ang naturang panalo na 19 puntos, 9 rebounds, at 4 assists kasunod si Mark Montuano na may double-double 16 puntos at 13 rebounds, bukod pa sa 5 steals, 3 assists, at 3 blocks.

Nanguna naman sa Fighting Maroons, na bumaba sa barahang 1-2 kapantay ng kanilang tormentor, si Andres Paul Desiderio na may 20 puntos, 9 rebounds, at 2 assists.

Magpapatuloy ang aksiyon sa FBA na pinumunuan nina Lj Serrano at Vince Hizon bilang presidente at commissioner bukas, Marso 21, sa Malolos Sports and Convention Center sa Malolos, Bulacan.