Kinumpirma kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na isa pang Pilipino ang nahawahan ng Middle East Respiratory Syndrome (MERS-CoV) sa Kingdom of Saudi Arabia.

Ayon kay DFA Spokesman Charles Jose, sa natanggap nilang impormasyon mula sa Philippine Embassy sa Riyadh ay tinukoy ang Pinoy bilang isang 41-anyos na lalaki, binata at nagtatrabaho bilang radiologist o X-ray technician sa isang ospital sa Riyadh.

Sinabi ni Jose na nagpositibo ang Pinoy sa MERS-CoV nitong unang linggo ng Marso at inilipat na sa isa sa mga itinalagang MERS-CoV specialist hospital sa Saudi nitong Marso 7, at kasalukuyang nasa intensive care unit (ICU).

“Direkta ang exposures niya sa mga pasyente dahil sa trabaho niya,” ani Jose.

National

Peace rally ng INC, ‘di nabago posisyon ni PBBM ukol sa impeachment vs VP Sara – Bersamin

Tatlo pang Pilipino na nagtatrabaho bilang mga health care personnel sa iba’t ibang ospital sa Saudi Arabia ang nauna nang nakumpirma na may MERS-CoV matapos na malantad sa mga pasyente ng nasabing viral respiratory illness.

Sinabi ni Jose na isa sa kanila ay sumailalim sa isolation sa staff housing ng ospital dahil “weak negative” na siya, o iyong hindi na positibo sa sakit pero kailangan pang sumailalim sa karagdagang pagsusuri.

Ang ikalawang Pinoy na may MERS-CoV ay inilabas na mula sa ICU at nasa ward section na ng ospital, habang ang ikatlo ay nakalabas na sa pagamutan makaraang sumailalim sa isolation ng 14 na araw. - Roy C. Mabasa