Unti-unting lumalapit ang Filipino archers sa kanilang target matapos pangunahan ni Amaya Paz Cojuangco at kinaaanibang Philippine Women’s compound squad ang individual at team Qualifying round ng ginaganap na 2015 Asian Cup sa Bangkok, Thailand.

Ang nagbabalik na si Paz-Cojuangco, na hangad ang ikalimang gintong medalya sa torneo na dating kilala bilang Asian Grand Prix, ay nagtipon ng kabuuang 689 puntos sa 72 arrow Qualification ( 345 at 344 ) na katulad din sa isinumite ng pumangalawa na si Surekha Vennam ng India.

Gayunman, bunga ng magandang patama sa natudla nitong 16 X at 45 10’s ay inokupahan ni Paz-Cojuangco ang unang puwesto.

Nabitbit din ng ilang beses naging SEA Games gold medalist ang kanyang mga kasamahan sa unang puwesto sa team ranking sa kabuuang 2,043 puntos, na abante ng 12 puntos sa karibal nitong Malaysia at 14 na mas maganda kontra sa paboritong India.

57 kilos ng shabu na isinilid sa Chinese tea bags, nakumpiska sa pantalan sa Southern Leyte

Nag-ambag din ang muling nagpapakitang gilas na Olympian na si Jennifer Chan sa impresibong unang araw para sa Pilipinas sa pag-okupa sa ikatlong puwesto sa natipon na 685 puntos.

Ang kabilang sa developmental archer na si Andrea Robles ang ikatlong pinakamataas na may 669 puntos bagaman ibinigay nito ang kanyang puwesto sa kakampi na si national member Joan Chan Tabanag na nagtala ng 668 puntos dahil sa kinailangan nitong magbalik sa Maynila upang daluhan ang kanyang inaasam na graduation.

Kapwa rin nakausad sina Paz at Chan sa unang round matapos makakuha ng bye sa Olympic Round gayundin ang Philippine women’s team para sa maagang pagtuntong sa quarterfinals.

Hindi naman naging maganda ang resulta sa women’s recurve matapos na ang Olympian na si Rachel Cabral ang pinakamataas ang naabot sa ika-37th sa natipong 592 puntos. Si Kareel Hongitan ay nasa ika-39th sa 590 puntos habang si Mary Queen Ybanez ay nahulog sa ika-56th sa 560 puntos.

Nanguna ang mga Chinese Taipei archers na sina Lin Chin at Tan Yi sa kapwa pagtatala ng 656 puntos upang itulak ang kanilang koponan sa unahan sa 1, 959 puntos. Ang Pilipinas ay nasa ika-12 puwesto sa 1,742 iskor.

Nakatakda naman sumabak ang Men’s Compound team na binubuo nina Paul Morton dela Cruz, Earl Yap, Dean at Jeff Adriano, Don Sombrio gayundin ang Men’s Recurve nina Gabby Moreno, Florante Matan, Zander Lee Reyes at Anatacio Pellicer III sa kani-kanilang Qualifying Rounds.

Mahigit sa 300 archers mula sa 26 na bansa ang kalahok sa Asian Cup na nagsisilbing tune up para sa 28th SEA Games sa Hunyo, sa World Cup sa Mayo at sa World Championships sa Hulyo.