Imbes na ikatuwa at ikonsiderang “pogi points” para sa gobyerno, lalong ikinagalit ng mga grupo ng manggagawa ang P15 dagdag sahod na inprubahan ng wage board para sa Metro Manila kamakailan.

Sa isang kalatas, sinabi ni Kilusang Mayo Uno (KMU) Chairman Elmer Labog na may pinaplano silang mas malaking demonstrasyon sa mga susunod na linggo upang muling ipinawagan ang pagbibitiw ni Pangulong Aquino dahil sa pagkabigo niyang ipatupad ang panukalang P16,000 monthly national minimum wage hike.

“Kung inaakala ni Aquino na mababawasan ang kilos-protesta ng mga manggagawa upang igiit ang kanyang pagbibitiw, nagkakamali siya. Nakakainsulto itong karampot na dagdag sahod at sa kawalan ng aksiyon ng gobyerno hinggil dito,” pahayag ni Labog.

Ayon kay Labog, hindi makakatulong ang pinakahuling wage hike na inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board-National Capital Region dahil hindi ito sapat upang maitawid ng isang manggagawa ang pangangailangan ng kanyang pamilya.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Base sa pag-aaral ng Ibon Foundation, sinabi ni Labog na sobrang mababa ito sa P1,086 daily wage hike na kanilang isinusulong.

“Hindi sapat ang P15 salary increase sa arawang sahod upang maitustos sa taas pasahe sa MRT at LRT. Hindi rin ito kayang itapat sa nagtataasang presyo ng mga pangunahing bilihin, tulad ng pagkain, pambayad sa kuryente at tubig,” ayon sa KMU chairman.

Sinegundahan ang pahayag ng KMU ni Alan Tanjusay, tagapagsalita ng Trade Union Congress of the Philippines TUCP), sa pagbatikos sa karampot na wage hike na inaprubahan ng regional wage board.

“This amount is revolting. Rather than closing the gap between rich and poor, government officials in the Board has further widened the gaping inequality amongst Filipinos—between a few elite and a famished majority who live to survive by the day,” pahayag ni Tanjusay.

Hinamon din ng tagapagsalita ng TUCP ang mga kinatawan ng gobyerno sa RTWPB-NCR, kabilang ang Department of Labor and Employment (DoLE), Department of Trade and Industry (DTI), at National Economic Development Authority (NEDA) na isapubliko ang kanilang naging basehan sa pagpapatupad ng P15 wage hike.

“Dapat nilang maipaliwanag ito sa mga manggawa at kung hindi, maaari itong magsanhi sa kalituhan at kaguluhan sa hanay ng mga manggagawa, lalo na ‘yun nasa maralitang komunidad,” giit ni Tanjusay. - Samuel P. Medenilla