LEGAZPI CITY — Magtitipon sa Albay sa Abril 27-29 ang tanyag na mga chef sa Pilipinas para sa isang creative culinary showdown na naglalayong makalikha ng mga bagong putahe hango sa mga paboritong lutong Bicol. Bibigyan ng labanan ng higit na malinaw at malawak na papel ang mga putaheng Bicol sa pagpapalago ng turismo ng rehiyon. Ito ay gaganapin sa Penaranda Park sa harap ng Kapitolyo dito bilang tampok sa bahagi ng 2015 Daragang Magayon Festival (DMF 2015) na gaganapin sa buong buwan ng Abril.
Ayon kay Albay Gov. Joey Salceda, ang proyektong labanan ng mga chef ay suporta rin sa kampanyang ‘Flavors of the Month’ ng Department of Tourism’s (DOT). Ipinaliwanag ni Salceda na ang pagkain ay hindi lamang maliit na sangkap ng industriya ng turismo kundi isang industriyang hiwalay na nagbibigay ng naiiba at hindi nalilimutang karanasan sa dila ng mga turista, Pilipino man o banyaga.
Kasali sa DMF 2015 food festival sina Chef Gene Gonzales at anak niyang si Chef Gino, Chef Boy Logro, Chef Rolando Laudico at asawa niyang si Chef Jackie. Tinaguriang Albay: Coco Spice Tour, ang proyekto ay bahagi at unang edisyon ng Madrid Fusion Manila sa lalawigan. Ang Madrid Fusion ay kinikilalang napakahalagang “gastronomic congress” ng Spain.
Idineklarang “tourism powerhouse” ang Albay ng DOT na nangunguna sa pag-akit ng mga dayuhang turista. Mula sa 6,700 dayuhang turista noong 2007 nang unang umupong gobernador si Salceda, lumubo ito sa 339,000 noong 2013. Simulang noong 2011 hindi na bumaba sa 300,000 ang foreign tourists sa lalawigan at tuluy-tuloy ang paglobo nito. Laging ibinabandila ng DOT ang Albay sa iba’t-ibang international tourism fairs. Ang pinakahuli ay ang Marso 10-13, 2015 Marche International Proffesionels d’Immobilier sa Palais des Festivals sa Cannes, France.