Binuksan natin kahapon ang paksa tungkol sa kung paano masusumpungan ang kapanatagan ng kalooban sa gitna ang mahigpit na situwasyon. Hindi lamang ito nauukol sa ating trabaho kundi pati na rin sa ating personal na pamumuhay. Ipagpatuloy natin...

  • Gamitin ang imahinasyon. – Maaari mong tanawin sa iyong isip ang problema na parang baywang at sinturon. Kapag nagigimbal o binabagabag ka sa problema, lalong humihigpit ang sinturon sa iyong baywang na halos hindi ka makahinga. At kapag nakaisip ka na ng solusyon, lumuluwag ang sinturon nang isang pulgada kada solusyon. Nakatutulong ang imahinasyon sa pagpapakalma ng kalooban.
  • Maaari ka ring magkunwari. – Kung hindi mo masumpungan talaga ang kapanatagan ng kalooban, maaari mong iarte ito. Mag-isip ka ng isang kakilala na kalmado kahit anuman ang situwasyon. Isaisip mo siya at iarte ang kanyang kilos o gawi tuwing may negatibong situwasyon. Ganito ang ginagawa ko: Kapag dumating na ang sandaling humihigpit na ang situwasyon sa opisina, sa halip na sumabog ang aking dibdib sa galit ay iniisip ko agad ang mahal kong lola. Taglay kasi ng lola ko ang kapanatagan ng kalooban kahit binabagyo na ang kanilang lugar sa Dumaguete. Hindi siya natitinag sa kanyang pagko-cross stitch kahit pa ninakaw na ang kalabaw nila. “Wala naman akong magagawa roon,” aniya nang tanungin ko siya tungkol sa kalabaw. “Kapag naglupasay ba ako sa lupa ay babalik na ang aming kalabaw?” Sa pagkukunwaring panatag, mas magkakaroon ng pagkakataong dumaloy ang kapanatagan sa iyong sistema.
  • National

    Super Typhoon Ofel, napanatili ang lakas habang nasa northeast ng Echague, Isabela

  • Alamin kung ano ang nagpapainit ng iyong ulo. – Anu-anong partikular na situwasyon ang nagpakulo ng iyong dugo? Madali ka bang magalit kapag maingay? Agad ka bang naiinis kapag nakakita ka ng mga ginamit na plato, baso, kutsara at tinidor sa lababo na walang sinuman ang naghuhugas? Kung nalaman mo na kapag uminit ang ulo ng boss mo ay umiinit din ang ulo mo, makahahanap ka ng paraan upang maiwasan na uminit ang ulo niya. Kapag nabatid mo na kung ano ang nagpapasiklab ng iyong damdamin, maiiwasan mo iyon at masusumpungan mo ang kapanatagan ng kalooban.

Sundan bukas.