Sama-sama tayong magdasal na ngayong tag-araw, maiwasan sana ang pagkakaroon ng mga brownout. Magsagawa tayo ng “Oratio Imperata” na matulungan tayo ng mga kumpanya na may kinalaman sa kuryente upang hindi dumanas ng paghihirap ngayong tag-init. Hindi ba kayo nagulat nang ihayag ng Meralco ang pagbaba ng singil sa kuryente ngayong Marso bagamat nagsisimula na ang tag-araw? Well, milyun-milyong customer ng Meralco ang nakahinga nang maluwag sa anunsiyong ito.

Sinabi ni Joe Zaldarriaga, tagapagsalita ng kompanya at ex-member ng Defense Press Corps, matatapyasan ng P19 sa bill ng customer na kumukonsumo ng 200 kWh. Bunga ito ng pagbaba ng halos 10 sentimos kada kWh ng kabuuang singil sa kuryente. Ikinagulat ito ng marami dahil taliwas ito sa unang napabalita na pagtaas ng singil sa kuryente batay sa pag-aaral ng mga eksperto sa industriya.

Bukod kasi sa mainit na panahon, may ilang planta rin ang nagkaroon ng problema at naging dahilan ng panandaliang pagkawala ng kuryente sa ilang bahagi na sineserbisyuhan ng Meralco. Sa ganitong situwasyon, normal na sumisipa ang generation charge o ang singil na kinokolekta ng generation companies. Mabuti na lamang at bumaba ang Power Supply Agreements ng Meralco o ang mga kontrata nito kaya nahila pababa ang kabuuang singil sa kuryente. Gayunman, pinayuhan ni kaibigang Joe Zaldarriaga ang mga customer na paigtingin ang pagtitipid sa kuruyente. Posible kasi umanong hindi magpatuloy sa susunod na mga buwan ang pababang trend lalo na pagtuntong ng Abril at Mayo kung kailan naitala ang pinakamataas na singil sa kuryente noong nakaraang mga taon.

Nakasabay pa kasi ng mataas na demand bunsod ng mainit na panahon ang tigil-operasyon ng Malampaya Deepwater – Gas-to-Power project na nagsu-supply ng langis sa tatlong pangunahing planta sa Luzon. Kaya ang naturang mga planta ay mapipilitang gumamit ng mas mahal na langis upang makapagpatuloy sa pag-generate ng kuryente. Bukod sa presyo, nagpaalala si Joe na dapat ding bantayan ang mga planta dahil may nakaamba ring brownout sa Luzon sakaling may masirang planta. Kaya naman ang pagiging energy efficient ay dapat nating sabayan ng dasal na makisama ang mga planta at huwag magkaroon ng biglaang pagkasira. Diyos ko, tulungan mo po kami!
National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists