Pinabulaanan ng Malacañang na nakialam ang mga Amerikano sa operasyong ginawa ng PNP-SAF sa Mamasapano. Kasi sa press conference ni Sen. Grace Poe nang ilabas niya ang bunga ng imbestigasyon ng kanyang komite sa nangyari sa Mamasapano, nabanggit niya na may kasama silang mga Kano. Sa aming executive session, wika niya, tinanong ni Sen. Sotto si SAF Director Napenas kung nakibahagi ang Amerika sa operasyon.
Noong una aniya ay atubiling sumagot si Napenas, pero nang magbanggit na si Sen. Sotto ng mga pangalan, inamin niyang may mga kasama silang mga Kano. Nang tanungin siya kung ilan, hindi na raw niya alam pagkatapos niyang sabihin na dalawa, apat o anim yata sila. Nang tanungin muli siya kung bakit sila naroroon, basta nandoroon na raw sila at nagtayo pa ng mga monitoring devices. Ang bagay na ito ay hindi dapat itinago ng senado sa kanyang executive session. Hindi kaya ipinagkakaila ng Malakanyang na may partisipasyon ang Amerika dahil kasi sa partisipasyong ito nangahas ang Pangulo na ikasa at tuluyang ipiiral ang operasyon? Kahit walang koordinasyon sa militar? Kahit pinabayaan na niyang mangyari ang operasyon basta mayroon siyang utos na dapat sundin? Kaya ipinagkatiwala niya ang operasyon sa suspendidong PNP Chief na sa panahon palang iyon ay nasa Nueva Ecija ito? Kaya nilabag niya ang chain of command, ayon sa report ng PNP Board of Inquiry at senate committee ni Sen. Poe?
Hinahanap natin ang katotohanan upang mailapat ang katarungan para sa naulila ng SAF 44. Pero higit nating hinahanap ito para sa katarungan sa ating mamamayan lalo na iyong mga nasa Mindanao. Ang nasasakripisyo kasi ngayon ay ang Bangsamoro Basic Law (BBL) o anumang kasunduan para sa kapayapaan sa bahaging ito ng bansa. Kaya napakahalaga na mabusisi ang partisipasyon ng mga Kano sa operasyon ay upang malinawan natin kung hiwalay bang isyu ang nangyari sa Mamasapano o nakakawing ito sa BBL. Ang mga Kano ba ay intresado lamang makuha sina Marwan at mga kasama nito? kung ito lang ang kanilang talagang layunin, ang pagkamatay ng SAF 44 ay hindi maiiwasang bunga ng operasyon. Pero kung dahilan lamang sina Marwan, na siyang lumalabas dahil sa simula pa lang ng operasyon ay palpak na kasama na rito iyong pagpigil para tulungan ang naiipit nang mga SAF commando, isinakripisyo ang SAF 44 kasama ang BBL. Kaya ituloy ang BBL o anumang ganitong kasunduan ayon sa pamantayan ng ating Saligang Batas