Nanindigan si Department of Justice (DoJ) Secretary Leila De Lima na posibleng nabalot lamang sa kalituhan ang mga miyembro ng Board of Inquiry (BoI) ng Philippine National Police (PNP), mga senador at maging si dating Pangulog Fidel V. Ramos sa kani-kanilang interpretasyon ng “command responsibility” sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan kung saan ang pinagbasehan ay ang isang executive order na nilagdaan noong 1995.

Sa kanyang pagdepensa kay Pangulong Aquino, iginiit ni De Lima na mali ang interpretasyon ng Senado, BoI at iba pang kritiko ng pamahalaan hinggil sa Executive Order No. 226 sa kanilang iisang paniniwala na dapat panagutin si PNoy dahil sa pagbalewala sa chain of command nang payagan niya ang suspendidong hepe ng Philippine National Police (PNP) na si Director General Alan LM Purisima na makisawsaw sa operasyon ng PNP Special Action Force (SAF) laban sa teroristang si Zulkifli Bin Hir, alyas “Marawan,” at Basit Usman na nagresulta sa madugong sagupaan sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.

Ito ay bilang reaksiyon ni De Lima matapos ibandera ni Ramos ang kanyang nilagdaang EO No. 226 kung saan nakasaad ang command responsibility ng mga opisyal ng gobyerno matapos pumalpak ang kanilang misyon.

“Kung babasahin nyo po yan (EO), it purports to apply not only to the PNP, but to all offices of the Executive Branch of government. Sakop kami nyan, so ibig bang sabihin nun, kung tama ang sinasabi nila, including FVR, based on that EO, there is clearly a chain of command in the PNP, so meron na ring chain of command sa mga departments ng Executive? May chain of command all the way down sa organization ko?” tanong ni De Lima.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

“If you apply that EO on the basis of the PNP, ia-apply mo na lahat yan sa Executive Branch, kasi nandun yun, all of the offices of the Executive Branch ang sakop, ang scope ng EO na yan. Can you imagine now the entire executive hierarchy or the entire civilian bureaucracy adopting this chain of command concept. Ano yan, military tayo lahat?,” dagdag niya.

Nanindigan ang kalihim sa kanyang unang pahayag na hindi maaaring ipatupad o gamitin ang doktrina ng chain of command sa PNP, hindi tulad ng nakasaad sa resulta ng imbestigasyon ng BoI at Senado hinggil sa insidente sa Mamasapano.

Bilang isang organisasyon na sibilyan, ipinaliwanag ni De Lima na hindi tulad ng Armed Forces of the Philippines, ang PNP ay walang doktrina na chain of command.

“Paninindigan ko talaga ang opinyon ko. ‘Yang chain of command na ‘yan hindi puwedeng i-apply sa PNP as a civilian organization. May manual sila na ganun sinasabi pero sakop ba ang Pangulo d’yan? Hindi. Hindi sakop ang Pangulo,” pahayag ni De Lima.

Noong Miyerkules, nanawagan si Ramos kay Pangulong Aquino na humingi ng pahintulot sa publiko bunsod ng palpak na operasyon sa Mamasapano, habang iginigiiit na responsibildad ng Punong Ehekutibo ang pagkamatay ng 44 tauhan ng PNP-SAF base sa prinsipyo ng command responsibility tulad ng nakasaad sa EO 226.