Mistulang hindi ininda ng Cagayan Valley ang pagkawala sa kanila ni Fil-Tongan Moala Tautuaa matapos ipanalo ang unang laro kontra AMA University, 75-70, kahapon sa 2015 PBA D-League Foundation Cup.
Simula pa lamang ay mainit na ang Rising Suns matapos ang back- to - back triples ni Adrian Celada at mula doon ay dalawang beses lamang na nalamangan ng Titans, pinakahuli sa iskor na 35-32, matapos ang 3- point play ni Jay R Taganas, 50 segundo ang nalalabi bago ang halftime.
Mula sa huling deadlock na 47-all, isinara ng Cagayan ang third period sa pamamagitan ng 8-1 run para kabigin ang lamang sa pagtatapos ng quarter, 55-48 na hindi na nila binitawan hanggang matapos ang laban.
Nakuha pang makalapit ng Titans sa huling pagkakataon sa iskor na 61-64 kasunod ng one man 10-0 blast ni Marcy Arellano, may 4:36 pang nalalabi sa laro.
Ngunit hanggang doon na lamang ang pinakamalapit nilang inabot dahil Hindi bumitaw ang Cagayan sa kanilang bentahe.
Nanguna sa naturang unang panalo ng Cagayan si Abel Galliguez na umiskor ng 16 puntos kasunod sina Celada at Mabulac na nagposte ng 12 at 11 puntos ayon sa pagkakasunod.
Sa kabilang dako, nanguna naman para sa AMA na bumaba sa 1-1 panalo- talong baraha si Marcy Arellano na may 25 puntos na sinundan ni Taganas na may 10 puntos at 29 rebounds.
“Okay Lang naman ‘yung team kahit nawala si Tautuaa. Ayaw naman kasi namin na pilitin siya na maglaro sa’min kung talagang ayaw niya,” pahayag ni Cagayan assistant coach Nonoy Bonleon.
“Mas maganda na ‘yung ganito na puro locals buo naman ang loob na maglaro at siguradong ‘yung puso nasa amin.” dagdag pa nito.