Ibinasura ng Quezon City Prosecutors’ Office ang tax evasion charges na inihain ng Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa aktor na si Cesar Montano dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
Sa tatlong-pahinang resolusyon, ibinasura ni Assistant City Prosecutor Marsabelo Jose Soriano ang mga kasong paglabag sa Tax Reform Act na inihain ng BIR laban sa aktor.
Lumitaw sa record ng korte na isang Letter of Authority (LA) ang inilabas noong Nobyembre 9, 2013 na nagbibigay ng kapangyarihan sa mga revenue officer na kilatisin ang book of account at accounting record ng Bellisimo Ristorante, na tumatayong pangulo si Montano, para sa taxable year 2012.
Inihain ng BIR ang LA kay Montano noong Nobyembre 12, 2013 na nag-aatas sa kanyang isumite ang book of account ng restaurant noong 2012 at iba pang accounting record.
Subalit nabigo si Montano na isumite ang mga dokumento na nag-udyok sa BIR para maglabas ng subpoena decus tecum noong Hulyo 30, 2014 na nag-aatas sa aktor na magpakita sa ahensiya noong Agosto 8, 2014.
Hindi pa rin sumipot ang respondent upang isumite ang mga dokumento.
Sa kanyang affidavit, iginiit ni Montano na hindi niya personal na natanggap ang subpoena ng BIR.