Ang Kapistahan ni San Jose, ang esposo ng Mahal na Birheng Maria at ama-amahan ni Kristo Jesus, ay ipinagdiriwang tuwing Marso 19. Ito ay Fathers’ Day sa ilang bansang Katoliko tulad ng Spain, Portugal, at Italy. Si San Jose ang patron ng Pamilya at ng Universal Church. Patron siya ng mga karpintero at manggagawa at pinagdarasalan para sa isang masayang kamatayan.
Si Pope Francis, sa isa sa kanyang mga catechesis, ay nag-focus sa tatlong aspeto ng buhay at misyon ni San Jose – bilang tagapangalaga ng Sagrada Familia, bilang guro ng batang Jesus, at bilang gabay na tumulong kay Jesus na tumugon sa udyok ng Espiritu Santo. Ito ang mga pundasyon ng pagpaparangal ng Simbahan kay San Jose.
Maraming bansang Katoliko, kabilang ang Pilipinas, ang nagdaraos ng sinauna pang tradisyon ng pagkakaloob ng libreng pagkain na tinatawag na St. Joseph Table, na nagsimula sa Sicily, Italy, sa panahon ng tagtuyot at taggutom. Nanalangin ang mga Sicilian kay San Jose at himalang humupa ang tagtuyot at taggutom. Ang St. Joseph Table sa araw ng kapistahan ng patron, ay nilalatagan ng mga pagkaing walang karne at may iba’t ibang pastries na hugis prutas at bulaklak at kahit na anong sumisimbolo ng Sagrada Familia. Sa pagbisita sa St. Joseph Table, tumatanggap ang isang deboto ng handog na fava beans at mga tinapay. Ang fava beans ang pagkain na nagligtas sa mga Sicilian sa gutom. Sinasabing naghahatid ng suwerte ang bean, at pinaniniwalaan na kapag itinago ito sa bahay, hindi magugutom ang pamilya.
Si San Jose ang patron ng pamilyang Pilipino. Ang mga babaeng deboto ay nagsusuot ng berdeng damit na may dilaw na laso bilang parangal sa patron. Sa isang dulaan tungkol sa Sagrada Familia tulad ng “Panunuluyan”, pumipili ang mga pamilya ng isang matandang lalaki, isang kabataang babae, at isang maliit na batang lalaki mula sa maralita upang gumanap bilang sina San Jose, Santa Maria, at Niño Jesus.
Ang buhay ni San Jose, na isang karpintero mula sa Nazareth at nagmula sa lahi ni Haring David, ay nasa ebanghelyo nina San Mateo at San Lucas na tumutukoy sa kanya bilang “matuwid”. Siya ay simple, mapagkumbaba, masayahin, at masunurin sa Diyos – nagpakasal kay Maria, umaruga kay Jesus, naglaan ng proteksiyon sa pagsisilang ni Maraia at ang pagtakas patungong Egypt, hinatid sila sa Nazareth, at binantayan sila na may pananampalataya at katapangan. Siya ang huwaran ng kalinisan ng puso, pagpapasensiya, at katatagan ng loob.
Inilagay ni Pope Pius IX ang Simbahan sa ilalim ng pangangalaga ni San Jose noong 1870. Malalim ang pagninilay ni St. John Paul II sa buhay ni San Jose sa Redemtoris Custos (Guardian of the Redeemer) noong 1989. Ang pangalan ni San Jose ay itinagdag sa Eucharistic Prayers sa bisa ng isang decree ni Pope Benedict XVI, na kinumpirma ni Pope Francis.