Ni MALU CADELINA MANAR

KIDAPAWAN CITY – Naghain ng petisyon ang lokal na pamahalaan ng Kidapawan City sa tatlong lokal na korte sa North Cotabato upang pigilan ang inaasahang paglipat sa piitan ng siyudad ng mas maraming high-risk inmate mula sa provincial jail.

Sinabi ni Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista na naghain ng resolusyon ang konseho, sa pangunguna ng dating hukom at ngayon ay konsehal na si Francis Palmones, sa Sangguniang Panglungsod (SP) ng Kidapawan na humihiling sa mga hukom sa tatlong sangay ng Regional Trial Court (RTC) sa North Cotabato na muling pag-aralan ang naunang desisyon nito na ilipat ang nasa 12 high-risk inmate mula sa Cotabato Provincial Rehabilitation Center patungo sa piitan sa lungsod na ito.

Simula noong nakaraang linggo, isa lang sa 12 bilanggo ang nailipat sa city jail.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ang bilanggo, na kinilalang si Jack Moro, ay dinala sa city jail nitong Marso 11.

Nahaharap si Moro sa ilang kaso ng drug trafficking at itinuturing na “high-risk”.

Marso 12 nang inaprubahan ng konseho ang resolusyon ni Palmones.

Hiniling din sa petisyon ang paglilipat sa lugar ng pagdinig sa mga kaso ng nasabing mga bilanggo.

Nitong Lunes, tinanggap ng mga korte sa Midsayap, Kabacan at Kidapawan ang resolusyon bilang motion for reconsideration.

“Sa ngayon, hinihintay pa namin ang desisyon ng korte. Umaasa kami na mapagbibigyan ang petisyon. Ang pagkakaroon ng high-risk inmates sa isang piitan na nasa pusod ng isang lugar na may malaking populasyon gaya ng Kidapawan ay nagdudulot ng banta sa seguridad,” sabi ni Evangelista.

Kasabay nito, inihayag ng pamahalaang lungsod ang paglalaan nito ng P5 milyon para sa pagbili ng lote na pagtatayuan ng bagong kulungan sa Barangay Kalaisan mula sa Poblacion.

Tiniyak din ni Evangelista ang seguridad ng mga residente malapit sa pasilidad upang hindi na maulit ang madugong pagtatangka ng may 30 armadong miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na maitakas si Lastikman, isang mapanganib na kriminal na akusado sa kidnapping, carnapping, murder, at iba pang krimen, dalawang taon na ang nakalilipas. Napatay sa insidente ang dalawang sibilyan at isang Red Cross volunteer.