May bagong katambal ang ONE Fighting Championship, ang pinakamalaking organisasyon ng mixed martial arts sa buong Asia, at ito ang bagong bukas na City of Dreams Manila.
Ang opisyal na anunsiyo ng tie-up ng dalawa ay naganap noong Martes sa Grand Ballroom ng City of Dreams sa Pasay City. Dinaluhan ito ni ONE FC vice president at MMA legend na si Rich Franklin, Filipino bantamweight standout Mark “Mugen” Striegl, ang Vice President for Casino Marketing ng City of Dreams na si Michael Quek, at Elly Ho ng W66.com.
Ayon sa ONE FC, masusi itong makikipagtulungan sa entertainment, gaming, and luxury group para sa lahat ng event nito sa Manila ngayong 2015 at maaring sa mga susunod pang taon sa layon na mas maiangat ang MMA sa Pilipinas at sa kalaunan ay sa buong rehiyon.
Ipinahayag din sa nasabing pagtitipon ang pagdaraos ng “ONE FC: Valor of Champions” fight card na isasagawa sa Mall of Asia Arena sa Abril 24 na tatampukan ni welterweight world champion Ben “Funky” Askren na kakalabanin si Luis “Sapo” Santos ng Brazil.
“The event on April 24 is the biggest and most exciting ONE FC has staged so far in the Philippines and we are excited to be partnering with City of Dreams,” ani Franklin.
Bukod sa sagupaan nina Askren at Santos, kaabang-abang din ang pagbabalik ni Geje “Gravity” Eustaquio mula sa kilalang Team Lakay sa kanyang pakikipagharap kay Anatpong Bunrad ng Thailand sa flyweight division. Matutunghayan din ang labanan ng dating bituin ng Canadian Football League na si Paul “Typhoon” Cheng ng Taiwan kontra sa Ukranian na si Igor Subora sa kanilang heavyweight showdown.
“These are two fights I’m really looking forward to. Geje Eustaquio and Anatpong Bunrad figure in a clash of two of the top flyweights in the division. They are both fast and devastating with their strikes and it will be an interesting contrast of styles as Wushu takes on Muay Thai. Paul Cheng and Igor Subora are also two of the best heavyweights and are determined to show they belong in the top tier in their division,” lahad ni Franklin.
Ang mga tiket para sa “ONE FC: Valor of Champions” ay mabibili na sa lahat ng outlet ng SM Tickets at online sa www.smtickets.com.