Maging ang premyadong aktres na si Nora Aunor ay nanawagan na rin kay Pangulong Benigno S. Aquino III na magbitiw na sa puwesto dahil sa kawalang aksiyon ng gobyerno sa pang-aabuso sa mga overseas Filipino worker (OFW).

Ang panawagan ni Aunor ay kasabay ng paggunita sa ika-20 anibersaryo ng pagbitay kay Flor Contemplacion.

Si Contemplacion ay dating Pinoy na kasambahay na pinatawan ng parusang bitay sa Singapore dahil sa kasong pagpatay.

Nakibahagi si Aunor sa kilos-protesta na pinangunahan ng grupong Migrante International sa Mendiola, Manila kamakalawa, na rito kinondena ng grupo ang pang-aapi at pang-aabuso sa mga Pinoy worker sa ibang bansa.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Hindi na natin kailangang magtrabaho sa ibang bansa. reporma sa bansa, kung may tunay na pagbabago sa bulok na sistema, hindi na natin kailangan pa ang biktima ng pangangalakal, pang-aalipin at pagsasamantala,” pahayag ni Aunor.

Ginampanan ni Aunor ang papel ni Contemplacion sa isang pelikula ng Viva Films noong 1995, nang isabuhay ang pagbitay sa Pinoy maid matapos nitong patayin ang isang kapwa Pinoy at alaga nitong Singaporean.

Humakot ng mga parangal ang pelikula hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa, kabilang ang prestihiyosong 1995 Cairo International Film Festival.

“Naniniwala ang Migrante International na hanggang ang mga patakaran sa labor export ay ipinatutupad, walang tunay na proteksiyon na maaasahan ang mga OFW,” pahayag ng grupo.

“Ang kailangan ng ating mga OFW at kanilang pamilya sa panahon ng kagipitan ay aksiyon at programa mula sa gobyerno na lilikha ng trabaho dito sa Pilipinas, maibaba ang presyo ng bilihin, at pagbutihin ang serbisyo ng gobyerno para sa publiko upang hindi na mangibang-bansa ang mga Pinoy,” dagdag nila. - Jenny F. Manongdo