Hindi makalalaro ang nakaraang UAAP Season 77 women’s volleyball Best Receiver na si Denise “Denden” Lazaro ng back-to-back champion na Ateneo de Manila University (ADMU) sa paghataw ng Philippine Superliga All-Filipino Conference sa Mall of Asia Arena sa Sabado.
Kinuha bilang 8th overall pick si Lazaro ng Foton sa nakaraang draft na ginanap sa SM Aura sa Taguig City.
Ngunit noong nakaraang Martes, sa ginanap na press conference ng liga sa MOA Arena, inihayag ng Foton na mawawala si Lazaro sa lineup.
“ She still has commitments with Ateneo. The team as a whole still has commitments. And personally mayroon siyang mga plano on what to do right after the season which can conflict with the tournament,” pahayag ni Foton team captain Ivy Remulla.
“And she has plans of pursuing her studies so magiging tight ang schedule para sa kanya if she will play,” dagdag pa ni Remulla.
Bagamat hindi maglalaro si Lazaro, nakatakda namang lumaro para sa Tornadoes ang kakampi nitong si Ella de Jesus na gaya ng una ay nagtapos na rin ng playing year sa UAAP.
Bukod kay De Jesus, nariyan din ang kanilang first round pick na si Angeli Araneta ng University of the Philippines (UP).
Samantala, sinabi naman ni Remulla na sakaling gumaan ang schedule ni Lazaro sa hinaharap, maaari pa naman aniya itong maglaro para sa koponan kung gugustuhin nito.
“Anytime na gusto niya, kung free na siya sa kanyang mga commitment, welcome siyang lumaro sa amin,” ani Remulla.