Tila nauubusan na ng karapat-dapat na flag bearer sa internasyonal na torneo ang Pilipinas.

Ito ang pinag-iisipan ngayon ng Team Philippines SEA Games Task Force matapos makumpleto ang pinal na bilang ng pambansang koponan na 408 na mga atleta at 122 opisyales sa gaganaping 28th Southeast Asian Games sa Singapore sa Hunyo 5 hanggang 16.

“We are still waiting for the final list of approved entry by names,” sinabi ni Team Philippine Chef de Mission Julian Camacho. “We already submitted the list to the organizers way ahead of the deadline of April 1 but we still had to wait for the final composition of our delegation.”

Hindi pa rin napag-uusapan ng SEAG Task Force ang mga posibleng kandidato na siyang bibitbit sa bandila ng bansa bagamat nauna nang inaprubahan ng Philippine Olympic Committee (POC) Executive Board ang listahan matapos ang mahabang pagpupulong noong Lunes.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Matatandaan na huling tumayo bilang flag bearer ang miyembro ng sailing na si Gaylord Coveta matapos na tumanggi ang Gilas Pilipinas na si Japeth Aguilar sa paglahok ng bansa sa Incheon Asian Games.

Ipinaliwanag pa ni Camacho na ilang national sports associations ang nagnanais na makapagdagdag ng kanilang mga atleta bagamat ipinasa na nito ang responsibilidad sa pagdedesisyon sa general assembly ng Philippine Olympic Committee (POC) sa darating na Marso 25.

Isa sa nagnanais ay ang Philippine Canoe Kayak Federation (PCKF) para maidagdag ang walong babaeng miyembro upang makumpleto ang koponan sa kababaihan sa dragon boat event, gayundin ang Philippine Swimming Incorporated na itinutulak ang pagkakadagdag sa women’s water polo team.

Nakatakdang lumahok ang Pilipinas sa kabuuang 34 sports na kabilang ang hindi popular na netball. Ang bilang ay halos doble sa ipinadalang 210 atleta na lumahok sa 20 disiplina noong 2013 Myanmar SEA Games.

Hangad naman ng POC at PSC na malampasan ng pambansang atleta ang masaklap na kampanya may dalawang taon na ang nakaraan sa Myanmar kung saan ay nakapag-uwi lamang ang bansa ng kabuuang 29 ginto, 34 pilak at 37 tansong medalya.

Tumapos ang Pilipinas sa pangkalahatang ikapitong puwesto na siyang pinakamababa sa pagtatapos ng kada dalawang taong torneo sapul nang sumali noong 1977 SEA Games sa Malaysia.