DAGUPAN CITY, Pangasinan – May 700 may-ari at operator ng palaisdaan at magsasaka sa lungsod na ito ang nangangamba sa posibilidad ng matinding fish kill dulot ng malawakang polusyon.
Sa isang panayam, sinabi ni Alfredo Dawana, pangulo ng Fishpond Owners, Operators, Fisherfolk Association of Dagupan, Inc. (FOOFADCI) na mistulang may anomalya sa pangangasiwa ng City Agriculture Office sa mga ilog at daluyan sa Dagupan City.
Sinabi ni Dawana na ang polusyon sa ilog ay bunsod ng pagdami ng mga ilegal na fish pen, sa ilalim ng pamumuno ng city agriculturist na si Emma Molina.
Aniya, muling nagdudumi ang nalinis nang ilog dahil sa maling paggamit ng baklad at sinisi rin niya ang pagpapatuloy ng operasyon ng ilang ilegal na fish pen sa ilog.
Ayon pa kay Dawana, patuloy umanong pinoprotektahan ni Molina ang may-ari ng mga ilegal na fish pen kasabay ng paghimok umano sa mga mangingisda na gumamit ng baklad sa pagpaparami ng bangus.
Tinukoy din ni Dawana kung paanong pinahintulutan ni Molina ang pagsusulputang parang kabute ng mga fish pen sa ilog para sa pagpaparami ng bangus, na nauwi umano sa matinding polusyon sa ilog.
Nagbanggit ng mga pangalan ng ilang nagmamay-ari ng mga ilegal na fish pen, sinabi ni Dawana na ang mga fish cage ay idinisenyo para sa mga isdang high-value, gaya ng malaga, lapu-lapu at sibas, at hindi para sa bangus.
Aniya, kung igigiit ni Molina ang pagpaparami ng bangus sa mga fish cage ay posibleng mamatay ang mga high-value na isda sa ilog.
“Hindi tamang ginagamit ang fish cages sa fish-feed eating bangus sa mabababaw na ilog dahil nagdudulot ito ng polusyon at nagiging sanhi ng fish kill,” ani Dawana. - Liezle Basa Iñigo