Ni HANNAH L. TORREGOZA

Labinlimang senador ang lumagda sa Senate draft committee report kung saan nakasaad na malaki ang responsibilidad ni Pangulong Aquino sa palpak na operasyon sa Mamasapano, Maguindanao kung saan napatay ang 44 tauhan ng Philippine National Police (PNP) Special Action Force (SAF).

Kabilang sa mga lumagda sa committee report ay sina Senador Grace Poe-Llamanzares, Francis “Chiz” Escudero, Vicente Sotto III, Sergio Osmena III, Aquilino “Koko” Pimentel III, Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., Alan Peter Cayetano, Ma. Lourdes “Nancy” Binay, Ralph Recto, Pia Cayetano, Miriam Defensor-Santiago, Jose “Jinggoy” Estrada, Gregorio Honasan II, Ramon “Bong” Revilla, Jr. at Joseph Victor “JV” Ejercito.

Ayon sa kani-kanilang staff, lalagda rin sina Senador Loren Legardo at Paolo “Bam” Aquino IV, na pamangkin ni PNoy sa ama, sa dokumento.

VP Sara, dinamayan tauhan niyang nakadetine sa Kamara dahil sa contempt order

Inabot sa limang public hearing at executive session ang isinagawa ng tatlong komite ng Senado – Committee on Public Order, Finance and Peace, at Unification and Reconciliation – hinggil sa madugong insidente sa Mamasapano, Maguindanao na naganap noong Enero 25.

Isinapubliko ni Poe, chairman ng Senate Committee on Public Order, ang nilalaman ng draft committee report noong Martes bago ipinasa ang dokumento sa kanyang mga kabaro upang lagdaan.

Labintatlong lagda lamang ang kailangan bago isalang ang committee report sa plenaryo.

Ayon kay Poe, hihintayin muna niya na magsumite ng karagdagang ebidensiya ang iba pang senador bago niya iprisinta ang resulta ng imbestigasyon sa Mayo.