Pinabulaan kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang ulat na dinukot ng mga armadong lalaki ang apat na Pinoy nurse sa Sirte sa Libya.
Ayon kay DFA Spokesman Charles Jose, walang katotohanan ang nasabing report.
Nilinaw ni Jose na ang apat ay kinuha sa kanilang tinitirhan at inilipat sa mas ligtas na lugar taliwas sa mga naglabasang ulat na sila ay kinidnap.
Kinumpirma ng DFA na nakausap ng Embahada ng Pilipinas sa Tripoli ang isa sa apat na Pinoy nurse na nagsabing walang pagdukot na nangyari.
Noong Pebrero 3, tatlong Pinoy worker ang kabilang sa walong dayuhan na dinukot ng mga armadong lalaki sa Mabruk Oil Field sa Central Libya.
Nasundan ang panibagong pagdukot sa apat na Pinoy worker kasama ang limang dayuhang binihag ng armadong grupo na umatake sa Al-Ghani Oil Field sa Sirte noong Marso na parehong kinumpirma ng DFA.
Hanggang ngayon ay hindi pa batid ang kinaroroonan ng pitong Pinoy na dinukot lalo na’t walang ransom demand sa kanilang employer.