Sumadsad sa pinakamababang antas ang trust at approval rating ni Pangulong Aquino matapos maganap ang madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25 kung saan 44 police commando ang brutal na napatay.

Ayon sa pinakahuling survey ng Pulse Asia, bumulusok ang 59 porsiyentong approval rating ni Aquino noong Nobyembre ng nakaraang taon sa 38 porsiyento ngayong Marso habang ang kanyang trust rating ay bumagsak sa 36 porsiyento ngayong buwan mula 56 porsiyento noong Nobyembre.

Ang survey ay isinagawa noong Marso 1 hanggang 7 kung saan 1,200 respondent ang tinanong.

Lumitaw din sa naturang survey na tumaas ang bilang ng mga Pinoy na dismayado kay Aquino – 23 porsiyento ngayong Marso mula 11 porsiyento noong Nobyembre.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Ito ay nangangahulugan na isa sa bawat apat na Pinoy ay walang tiwala sa Pangulo at dismayado sa kanyang trabaho.

Ayon sa survey ngayong Marso, 39 porsiyento ng mga respondent ang hindi nagkomento sa nagampanan ni Aquino habang 37 porsiyento ang hindi makapagdesisyon kung pinagkakatiwalaan pa rin nila si PNoy o hindi na.

Naniniwala si Pulse Asia President Ronnie Holmes na malaki ang epekto ng naganap na engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao sa pagbagsak ng trust at approval rating ni PNoy dahil marami ang naniniwala na may pananagutan din siya sa madugong operasyon laban sa Malaysian bomb expert Zulkifli Bin Hir, alyas “Marwan,” at Basit Usman.

“Dala ng naganap sa Mamasapano at ang naging tugon ng pamahalaan na nangunguna sa mga balit bago at habang isinasagawa ang survey, naapektuhan ang pagtatasa ng publiko ng performance at pagtitiwala sa Pangulong Aquino,” ayon sa text message ni Holmes.