Mapasakamay ang isa sa top two spot na may kaakibat na twice-to-beat incentive ang hangad ng Talk ‘N Text habang makamit naman ang tsansang umusad sa quarterfinals ang target ng San Miguel Beer sa pagtatagpo nila ngayon sa eliminasyon ng 2015 PBA Commissioner’s Cup.

Magtutuos ang dalawang koponan sa ganap na alas-7:00 ng gabi matapos ang unang laban sa pagitan ng Kia Carnival at NLEX sa ganap na alas-4:15 ng hapon.

Kasalukuyang nasa 3-way tie sa ikalawang posisyon ang Tropang Texters na hawak ang barahang 6-3 (panalo-talo) kasalo ang Rain or Shine at defending champion Purefoods, ang huling koponan na tumalo sa kanila, 117-118, sa larong inabot ng tatlong overtime sa Davao City.

Habang sinasara ang pahinang ito, may laro ang Star Hotshots kontra sa Barako Bull sa Big Dome kung saan ay may posibilidad na masolo nila ang ikalawang posisyon.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Kaya naman pipilitin ng Tropang Texters na makabangon mula sa nasabing kabiguan upang makahabol sa top two spots sa pagtatapos ng eliminations.

Ngunit sigurado namang hindi sila basta na lamang pagbibigyan ng Beermen na hangad na mawalis ang huling dalawang laro nila sa eliminasyon para makapuwersa ng playoff sa huling quarterfinals berth.

Nanggaling ang Beermen sa dalawang dikit na panalo na nag-angat sa kanila sa barahang 3-6 (panalo-talo) at bumuhay sa kanilang tsansa na makarating sa susunod na round.

Samantala, sa unang laban, magsisikap naman ang Kia Carnival na makahakbang papalapit sa pintuan ng playoff round sa pagsagupa nila sa Road Warriors na nakasisiguro na ng slot sa susunod na yugto.

Nasa 4-way tie ngayon ang Kia kasalo ang Globalport, Ginebra at Barako Bull na may laro rin kahapon habang sinasara ang pahinang ito kontra sa Alaska.

Nagsolo naman sa third place ang Road Warriors na hawak ang kartadang 5-4.