DASMARIÑAS CITY, Cavite – Nakasilid sa plastic drum ang labi ng isang hinihinalang biktima ng salvaging nang matagpuan noong Lunes sa gilid ng Sta. Lucia Property Road sa Barangay Salawag, sa siyudad na ito, iniulat ng pulisya kahapon.

Nasa bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki, na nakabalot ng kumot, ang isang papel na nasusulatan ng: “Wag nyo ako totolaran, pumapatay ako ng police (sic).”

Nakuha rin mula sa biktima ang dalawang walang laman na sachet at malapit sa bangkay ay nakatagpo ang mga pulis ng apat na basyo ng .45 caliber pistol at dalawang bala.

Sa isang report, sinabi nina PO3 Reynald Afable at PO1 Elmer Rojas Belaro na dakong 5:30 ng umaga nitong Lunes at nagpapatrulya ang mga barangay tanod nang matagpuan ng mga ito ang asul na drum na roon nakasilid ang biktima.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

May tama ng mga bala at may taga ang ulo at katawan ng biktima, na nasa 5’4” ang taas, nasa 33 anyos, maputi at nakasuot ng maong pants at black and white striped T-shirt.

Batay sa kondisyon sa bangkay, pinaniniwalaang pinahirapan ito at isinilid sa drum bago pinagbabaril.

Dinala ang bangkay ng biktima sa Alundog Funeral Homes para sa awtopsiya. - Anthony Giron