Isang beteranong mambabatas ang nanawagan kay Pangulong Benigno S. Aquino III na gumawa ng hakbang upang mabawi ang 50 ektarya ng Panganiban Reef, na kilala rin bilang “Mischief Reef”, na roon nagtatayo ngayon ang China ng mga ilegal na istruktura.
Bukod dito, nanawagan din si Senior Deputy Minority Leader at Bayan Muna Party-list Rep. Neri Colmenares sa lahat ng Pinoy na kondenahin ang patuloy na panghihimasok ng China sa mga teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea.
“All Filipinos should denounce this unjust and dangerous action to implement China’s expansionist policy based on its 9 dash line theory which is without legal, historical and moral basis,” pahayag ni Colmenares.
Aniya, dapat protektahan ng gobyerno ang teritoryo ng bansa, partikular ang exclusive economic zone, bilang reaksiyon sa panghihimasok ng China.
Sinabi ng mambabatas na dapat ding tulungan ng international community ang Pilipinas upang matigil ang pambu-bully ng China.
“We also call on the Supreme Court to resolve the Petition we filed in 2008 against China for violating our territorial sovereignty in order to strengthen our claim to freedom from foreign intervention,” giit ng Bayan Muna congressman.
Ikinabahala ng mambabatas ang patuloy na pagkukumpuni ng China ng mga istruktura sa West Philippine Sea na sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Dahil dito, nanawagan din si Colmenares sa kanyang mga kabaro sa Kongreso na buhayin ang Reserve Officer Training Corps (ROTC) bilang educational requirement sa kolehiyo upang mapalakas ang depensa ng Pilipinas laban sa mga foreign intrusion.
Maging sina Rep. Win Gatchalian ng Valenzuela City at Mark Llandro Mendoza ng Batangas ay nagsabing dapat na tutukan ng gobyernong Aquino ang panghihimasok ng China sa teritoryo ng Pilipinas. - Ben Rosario