Iisang kumpanya ang nagpahayag ng interes na sumabak sa ikalawang public bidding para sa bagong Optical Mark Reader (OMR) at Direct Recording Electronic (DRE) machine na gagamitin ng Commission on Elections (Comelec) sa halalan sa Mayo 2016.

Sinabi ni Helen Flores, pinuno ng Comelec Bids and Awards Committee (BAC), na tanging ang Scytl Secured Electronic Voting ang bumili ng bidding document para sa lease ng mga DRE machine habang wala pang bidder para sa mga OMR.

Ang bid document ng OMR ay nagkakahalaga ng P75,000 habang ang DRE ay P25,000 at ang mga ito ay mabibili sa BAC secretariat sa Intramuros, Manila hanggang Marso 30.

Nang tanungin kung ano ang posibleng dahilan sa kakaunting bidder, sinabi ni Flores na may epekto ang inihaing protesta ng Smartmatic-TIM matapos itong diskuwalipikahin sa bidding sa isang en banc session.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

“The protest filed by Smartmatic-TIM at the commission en banc will directly affect this bidding process. Because the commission en banc may affirm or reverse our decision... If they sustain our decision, we can proceed with this second round. If they reverse it, then we can totally abandon the second round and go back to the first round,” dagdag niya.

Nagsagawa kamakalawa ng pre-bid conference ang Comelec BAC para sa OMR at DRE sa main office ng komisyon sa Intramuros.

Isinagawa ang ikalawang bidding matapos ideklara na “failed bidding” ang proseso para sa lease project ng OMR at DRE nang madiskuwalipika ang Smartmatic-TIM at isa pang bidder na Indra Sistemas S.A.

Nakasaad sa RA 9184 na kapag may “failed bidding,” dapat na muling magkaroon ng advertisement at rebidding ang kontrata upang magkaroon ng pagkakataong makibahagi sa proseso ang iba pang interesadong partido. - Leslie Ann G. Aquino