Hindi brownout kundi dagdag-singil sa kuryente ang dapat na paghandaan ng publiko lalo na sa Luzon sa nakatakdang maintenance shutdown ng Malampaya gas ngayong linggo.
Sa 2015 Power Supply Outlook Discussion, inilahad sa mamamahayag ng mga opisyal ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno partikular ang Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) gayundin mula sa power producers at distributors, na may sapat na suplay ng kuryente sa kabila ng Malampaya shutdown.
Nilinaw ng DOE na patuloy ang operasyon ng mga planta gamit ang mas mahal na fossil fuel na makaaapekto naman sa presyo ng kuryente sa merkado. Inilahad din dito ang interruptible load program (ILP) bilang isang solusyon sa problema.
Tinaya ng mga eksperto na maapektuhan nito ang presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market na magkakaroon ng domino effect sa halaga ng singil sa kuryente.
Base sa impormasyong nakalap ng Balita, halos nakatitiyak na tataas ang singil sa kuryente sa Abril.
Bumaba ang singil sa kuryente ng Manila Electric Company (Meralco) ngayong Marso bunsod nang hindi paggalaw sa generation at distribution charge at iba pang aspeto gaya ng system loss charge at bayaring buwis.