Ang pagkakadakip kay Mohammad Ali Tambako ay minsan pang nagpatunay na talagang mailap ang kapayapaan sa Mindanao. Kaakibat ito ng kawalan ng katapatan ng mismong mga grupo na inaasahang kaisa sa paghahanap ng pangmatagalang katahimikan sa naturang rehiyon.
Pati sa pagsusulong ng kontrobersyal na Bangsamoro Basic Law (BBL) ay sumulpot ang mistulang kawalan ng katapatan sa pagtatamo ng minimithi nating kapayapaan. Sa kabila ng ipinangangalandakang sinseridad ng mga lider ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ng mga miyembro ng peace panel ng ating gobyerno, lalong nadagdagan ang grupo ng mga rebelde na walang patumangga sa paghahasik ng karahasan.
Isipin na lamang na ang MILF na sila pa namang inaasahang magiging katuwang sa paghahanap ng kapayapaan ay nabiyak sa paghiwalay ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF). Mula sa grupong ito ay sumulpot ang Justice for Islamic Movement (JIM) na pinamumunuan nga ni Tambako.
Sa nagaganap na kaguluhan sa Mindanao, sino ang maniniwala sa katapatan ng MILF? Ngayon nakikita ng sambayanan ang sapantaha na ang naturang grupo ay traidor at hubad sa sinseridad. Hindi ba sila ang pasimuno sa pagpaslang sa ating mga bayaning SAF commando? Sa kabila ng malagim na labanang ito, nakadidismaya na sila ay sinasabing ipinagtatanggol pa ng ating peace panel na pinaghihinalaang tagapagsagip pa ng MILF. Hindi ko matiyak kung ang ganitong paninindigan ay isang uri ng pagtataksil sa bayan.
Lagi nating sinasabi na matinding balakid sa paghahanap ng katahimikan sa Mindanao ang kawalan hindi lamang ng katapatan kundi ng pagkakaisa ng mga grupong rebelde. Hanggang ngayon, ang Moro National Liberation Front (MNLF) ay wala pang lubos na hangarin upang makipagtulungan sa isinasagawang peace process. At lalong walang tunay na pagsisikap upang hikayatin ang New People’s Army (NPA) at ang kilabot na Abu Sayyaf (ASG) sa pagpapahayag ng katapatan.