Coco Martin

AMINADO si Coco Martin na inuuna niya ang kapakanan at magandang kinabukasan ng kanyang buong pamilya kaya hindi pa niya naiisip ang para sa sarili o lovelife o pag-aasawa niya.

Ito ang revelation niya sa amin sa presscon ng Wansapanataym Presents Yamashita’s Treasure na pinagbibidahan nila ni Julia Montes under Dreamscape Entertainment Television (premiere telecast na sa Linggo, Marso 22).

Pero wala siyang pinagsisisihan sa desisyon niyang ito dahil alam niyang makabuluhan naman ang intensiyon niya at wala siyang hindi gagawin para sa mga mahal niya sa buhay.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

“Kagaya ng mga magulang ko, kagaya ng lola ko, mas inisip niya ang pamilya niya, mas inisip niya ang palakihin kami nang maayos kesa sa sarili niya. Kumbaga, ‘yun lang ang mga bagay na sinusuklian ko na natutunan ko nu’ng bata ako, na parang mas gusto ko munang i-prioritize ang pamilya ko ngayon.

“And then, ‘pag maayos na talaga, settled na ako, du’n ko lang talaga medyo maiisip na ilagay sa maayos ang sarili ko. This time, siguro ito na ang tamang panahon para magkapamilya na ako,” pagtatapat pa ni Coco.

Tatlumpu’t tatlong (33) taong gulang na si Coco. At para sa kanya, trenta’y singko (35) hanggang 40 anyos ang ideal age na pag-aasawa. Ang kanilang henerasyon ay hindi naman daw nagmamadali sa pag-aasawa.

“Nakakatuwa nga ngayon kasi mas iniisip natin ‘yung kinabukasan, ‘yung future. Saka ngayon, hindi lang ‘yung traditional na lalaki lang ‘yung nagtatrabaho. Ngayon, pati dapat ang babae, kahit papa’no, kumbaga may magandang career, may magandang trabaho.

“Para magkatulungan sila para mas mapabuti nila ‘yung pagpapalaki ng pamilya nila,” seryosong sabi ng aktor.

Pinakamahalaga ngayon kay Coco ang kaligayahan ng pamilya niya kahit na ang kapalit nito ay ang pagsasakripisyo sa kanyang personal na kaligayahan.

“Siyempre, lalo na ‘yung mga batchmates ko nu’ng high school, nu’ng college, parang ako na lang yata ‘yung hindi pa lumalagay sa tahimik. Sabi ko nga, may tamang panahon para diyan. Ang inaasikaso ko, ‘yung pamilya ko talaga, ‘yung mga kapatid ko, ‘yung mga magulang ko.

“After that, sana magkaroon ako ng kahit two years or three years para sa sarili ko. And then, after that, bubuuin ko ang sarili kong pamilya,” nakangiting banggit pa ng magaling na aktor.

Ang tagumpay na tinatamasa niya ngayon ay dahil sa kanyang pamilya, ang kanyang tunay na kayamanan.

“Para sa akin po talaga, kung anuman lahat na meron ako ngayon, siguro sobra-sobra ‘yung dumating sa akin. Pangarap ko lang talaga dati magkaroon ako ng trabaho. Hindi ako pinalad na magkaroon ng maayos na pamilya nu’ng bata ako dahil separated ang parents ko.

“Ang pinaka-treasure ko lang, magkaroon ako ng maayos na pamilya. Kaya ngayon, sabi ko nga, ang mga kapatid ko, nakikita ko na kahit papa’no nagkakaroon ng direksiyon ang buhay. Nagagampanan nila o naging maayos ang anak nila. ‘Yun ‘yung kayamanan na maituturing ko,” saad pa rin ng aktor.

Lahad pa ni Coco, sa 365 days ng isang taon ay bilang lang sa daliri ang mga araw na wala siyang ginagawa.

“Siguro 340 days, nagtatrabaho ako. Hindi ako napapagod, kasi ‘pag umuuwi ako sa bahay, honestly, sobrang saya ko kahit wala akong ginagawa kapag nakikita ko ang pamilya, nandiyan na buo, nakikita ko na masaya sila,” seryosong sabi pa niya.