Naghihintay na lamang ang Vigan, Ilocos Sur at Kalibo, Aklan sa pagbisita ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richie Garcia upang maisagawa na ang lumalawak na family-oriented, community-based physical fitness program ng PSC na Laro’t-Saya sa Parke, PLAY N’LEARN.

Sinabi ni PSC Research and Planning chief Dr. Lauro Domingo Jr. na nais ng mga namumuno sa Vigan at Kalibo na mismong si Garcia ang magpasimula ng grassroots development program ng PSC na libreng itinuturo ang iba’t ibang sports para sa kapakanan ng buong pamilya at mailayo sa masamang bisyo ang mga kabataan.

“Gusto nila na si Chairman Garcia ang mag-open ng kanilang programa. But the problem is medyo masikip ngayon ang schedule ni chairman dahil sa inaasikaso ang SEA Games, ang National Training Center at imbitasyon mula sa Congress at Senate,” sinabi ni Domingo Jr.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Ang Vigan, isa sa kinikilala ngayon bilang New Seven Wonders of the World, ay umaasang masisimulan na ang Laro’t-Saya sa Ilocos Sur ngayong buwan at gayundin ang Laro’t-Saya sa Kalibo na nagbabalak na isagawa ang programa sa dinarayong isla ng Boracay.

Sakaling maisakatuparan sa Vigan at Kalibo, ito ang magiging ika-14 na lugar para sa programa.

Samantala, umabot sa 855 katao ang nakisaya sa Laro’t-Saya sa Luneta, partikular sa aerobics/zumba (667), arnis (13), badminton (34), chess (52), karatedo (25) at volleyball (64) habang sa Kawit, Cavite ay may 493 kataong sumali sa zumba/aerobics (304), badminton (59), volleyball (87) at taekwondo (43).

May 157 katao naman ang sumabak sa Paranaque na nakisaya sa zumba (73), arnis (54), badminton (22) at volleyball (8) habang sa Quezon City ay naitala ang 639 sa zumba, badminton (19), football (7), karatedo (10), volleyball (19) at chess (40).