May misyon pang dapat tapusin si 2-time UAAP women’s volleyball Most Valuable Player Alyssa Valdez, matapos na dalhin ang Ateneo de Manila University (ADMU) Lady Eagles sa back-to-back title, at ito’y bitbitin ang kampanya ng Pilipinas sa Asian Volleyball Confederation (AVC) Asian Women’s Under 23 Championships.

Si Valdez, na isa sa miyembro ng koponan na unang binuo ng Philippine Volleyball Federation (PVF), ay kabilang sa mga pinagpipilian ngayon ng Larong Volleyball ng Pilipinas Incorporated (LVPI) upang kumatawan sa batang koponan na ilalahok sa AVC Under 23 at 28th Singapore SEA Games.

“Kung mabibigyan po ako ng chance na makasama sa national team, bakit ko naman po tatanggihan,” sinabi ng 21-anyos at AB Psychology student na si Valdez na naging miyembro ng 2008 PH Youth 16-U Girls’ National Team.

Ipinasa na kahapon nina national coach Roger Gorayeb at Sammy Acaylar ang listahan ng bubuo sa Under 23 sa SEA Games sa isinagawang POC-PSC SEA Games Task Force meeting bagamat 10 pa lamang mula sa kabuuang 20 ang nagkumpirma ng kanilang paglalaro para sa pambansang koponan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang AVC Under 23 ay gaganapin sa Mayo 1 hanggang 9 sa Mall of Asia Arena o sa Cuneta Astrodome habang ang 28th Southeast Asian Games ay hahataw naman sa Singapore sa Hunyo 5 hanggang 16.

Maliban kay Valdez, napipisil na mapasama sa PH Under 23 ang magkapatid na Dindin at Jaja Santiago, Kim Fajardo, Mika Reyes, Bea de Leon, Jia Morado, Gretchel Soltones, Alyssa Eroa, Marivic Meneses, Myla Pablo, Fatima General, Rica Diolan, Christine Joy Rosario, Mylene Paat, Christine Agno, Mary Joy Palma at Nicole Tiamzon.

Gayunman, posibleng hindi makasama ang magkapatid na Santiago dahil sa kabilang ito sa grupong pinamumunuan ng PVF na Amihan.

Kabilang din sa kinukonsiderang isama ang tinanghal na UAAP co-Rookie of the Year na sina Kathleen Arado na mula sa University of the East (UE) at Ennajie Laure ng University of Santo Tomas (UST). Si Laure ay kasama sana sa Under 17 subalit hindi nakapasa sa cut-off para makapaglaro sa Nakhon Ratchisima, Thailand.

Matatandaan na una nang isinagawa ang drawing of lots para sa Women’s U23 kung saan ay napahanay ang Pilipinas sa pinakamabigat na grupo sa AVC Asian U23 Women’s Volleyball Championship.

Makakasama ng Pilipinas, na awtomatikong inilagay sa Group A bilang host country, ang powerhouse na Kazakhstan at Iran sa unang torneo na nakataya naman ang tiket sa gaganaping FIVB World U23 Women’s Championship sa Ankara, Turkey sa 2016.

“Nothing is impossible if we put our hearts and service to the country,” paliwanag ni Acaylar hinggil sa tsansa ng Pilipinas kontra sa una nilang makakaharap na Kazahkstan at susundan ng Iran.