Bagamat karaniwan ng umiikot ang mga laro ng San Miguel Beer kay June Mar Fajardo, walang duda na mayroon pa ring puwang ang veteran forward na si Arwind Santos sa opensa ng koponan sa ilalim ni coach Leo Austria.
Matapos mangapa sa unang bahagi ng ginaganap na eliminasyon ng PBA Commissioner’s Cup, nagawang maibalik ng 6-foot-4 na si Santos ang kanyang kumpiyansa sa pagganap ng mahalagang papel sa pag-angat ng laro ng Beermen.
Ipinakita ang dati na niyang pananahimik ngunit epektibong paglalaro, nagtala ang dating Far Eastern University (FEU) standout ng 22 puntos na kinapapalooban ng 4-of-5 shooting sa three-point arc, bukod pa sa 13 rebounds upang pamunuan ang San Miguel sa morale-boosting 102-91 panalo kontra sa Barako Bull.
At sa pagbabalik ng aksiyon matapos ang All-Star, napanatili ni Santos ang kanyang solid game nang magtala ng 18 puntos kung saan ay nakipagsanib-puwersa siya kay import Arizona Reid at Fajardo sa second-half at pamunuan ang San Miguel sa 129-114 tagumpay laban sa Rain or Shine noong Marso 13.
“Dikit-dikit din kasi ang mga team sa standings, kahit nga Blackwater puwede pang pumasok sa quarterfinals kung matatatalo ‘yung ibang teams sa itaas. So kami, may tsansa pa naman,” ani Santos na nakamit ang kanyang unang Accel-PBA Press Corps. Player of the Week award para sa pagitan ng Marso 3-15.
Tinalo niya ang teammate na si Fajardo at NLEX center na si Asi Taulava at Nino Canaleta.
Kahit may tatlo lamang panalo ang koponan sa loob ng siyam na laban, umaasa pa rin si Santos na maipapanalo nila ang nalalabing dalawang laban sa eliminations at makapuwersa ng playoff para sa quarters.
“Basta naman mag-stay together lang kami, gaya ng laging sinasabi ni coach. Kahit paano, may konting liwanag pa,” ayon pa kay Santos.