May nakapagsabi na hindi pa handa ang marami-rami sa ating mga kababayan para sa mas matalinong pakikipagkapwa. Umiiral pa rin ang pagkamakasarili at nakikita iyon sa paggamit pa lamang ng cellphone habang nasa publiko. Sa ibinigay nating halimbawa kahapon, ang malakas na tunog ng game na nilalaro mo sa iyong cellphone na katabi mo ang mga taong hindi mo kakilala habang nasa loob kayo ng pampublikong sasakyan ay isang pagpapakita na kapos ka talaga sa edukasyon. Mapatatawad ka ng mga nakaririnig sa iyo kung isa kang paslit na wala pang muwang sa pakikipagkapwa. Ipagpatuloy natin ang ilan pang ethics sa paggamit ng cellphone sa publiko...
- Pagpapatugtog ng musika. - Sa totoo lang nakaiirita ang makasalamuha ang isang may pagkabingi kung kaya kailangan nitong itodo ang pagpapatugtog ng musika sa kanyang cellphone lalo na sa umaga at lulan ka ng pampasaherong jeep o ng elevator o sa pila sa MRT/LRT. Malamang na wala itong pambili ng earphone o hindi alam kung para saan ang earphone.
- Pagse-selfie. - May tamang lugar at oras para sa lahat ng bagay. Ang abala at mataong lansangan ay lugar para sa snatching at aksidente, hindi para sa selfie.
- May ka-chika habang naglalakad. - Parang sinasali mo ang lahat ng nakaririnig sa iyo sa inyong usapan. Samantalang okay lang na makipag-usap ka, bumabagal naman ang iyong paglalakad at malamang na mabangga ka ng isa pang tatanga-tanga sa lansangan. Hinuhulaan ng mga nakaririnig sa iyo kung sino ang kausap mo at naaaliw sila sa iyong pag-E-English, at kung gaano ka kaarte magsalita.
- Ang pagmumura o pagsigaw kung walang signal. - Hello ka nang hello kahit alam mong wala ka nang kausap dahil wala ka nang load o walang signal. Bakit hindi mo ipupok sa noo mo ang cellphone nang medyo malakas baka sakaling tumaas uli ang signal bar?
- Maingay na ringtone. - Maging tunog ng machine gun o putukan ng Bagong Taon o ingay ng iyong paboritong rock band ang iyong ringtone, huwag mo namang itodo ang volume upang hindi ka makagambala sa iyong mga katabi.
Sundan bukas.